Sakaling may lockdown extension pa rin pagkatapos ng Abril 30 PAGHANDAAN ANG PONDO – MARCOS

NANAWAGAN si Senator Imee Marcos na tiyakin ng pamahalaan na may iba pang mapagkukunang pondo bilang suportang pinansiyal sa mahihirap para maiwasan ang anomang kaguluhan, sakaling ma-extend pa ang lockdown matapos ang Abril 30.

Ayon kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, tinatayang nasa P550-Billion pa ang maaaring maidagdag sa kasalukuyang P200-Billion emergency budget na ginagamit ngayong cash aid.

Paliwanag ni Marcos, dapat kumilos agad ang Department of Finance o DOF sa pagkuha ng mga loan at samantalahin ang pagkakataong may mababang interest rates ang mga bangko dahil posible pang tumagal ng ilang buwan ang krisis sa COVID-19.

Kaya naman muling nanawagan ang senador sa DOF na maaari pa itong makautang ng aabot sa P440-Billion, halaga na pasok pa rin sa ‘manageable debt ceiling na 5.4%’ mula sa kasalukuyang 3.2-percent na minamantine ng gobyerno.

Bukod dito, maaari ring magamit na karagdagang pondo ang hindi nagamit na pera mula sa 2019 national budget, calamity at contingency funds ng bawat ahensya at departamento ng pamahalaan tulad ng PAGCOR, PCSO, PhilHealth, at Office of the President.

Dagdag ni Marcos, posible pang tumaas ang bilang ng mga magpopositibo sa COVID-19, lalo’t sisimulan na ng Department of Health ang mass testing at pagbabantay sa progreso nito.

“Ngayong Abril pa lang natin malalaman kung ano ang totoong sitwasyon, lalo na ang mga kasong hindi naitala dahil sa dating kakulangan ng mga test kit. Hindi imposible na aabot ng May or June ang lockdown para sa kapakanan ng lahat,” giit ni Marcos. ESTONG REYES

167

Related posts

Leave a Comment