CAGAYAN – Apat na Chinese national ang inaresto dahil sa hindi pagsunod sa ipinatutupad na social distancing kaugnay sa ipinaiiral na enhanced community quarantine bunsod ng kumakalat na coronavirus disease (COVID-19), iniulat nitong Huwebes ng umaga sa lalawigang ito.
Kinilala ang mga nadakip na sina Cao Lianxi, 60, foreman; Wang Xuewu, 46, laborer; Li Xiaoyang, 53, at Wang Shiping, 54, pawang tubong China, at dalawang kasama nilang Filipino workers na sina Charlie Chavez, 38, company driver, mula sa Bataan, at Elizabeth Reyes, 38, translator, mula naman sa Arayat, Pampanga.
Ayon kay SMSgt. Tomas Baggay, imbestigador ng PNP Pamplona, naharang ang mga suspek habang lulan ng isang sasakyan sa inilagat na checkpoint sa Brgy. Curva, Pamplona, Cagayan.
Nabatid sa imbestigasyon, patungo ang mga suspek sa kanilang pinagtatrabahuang communication installation site para tapusin ang kanilang naiwang trabaho na pansamantalang naantala bunsod ng ipinatutupad na ECQ.
Ngunit wala silang naipakitang travel pass at lumabag sa social distancing dahil magkakasama sa loob ng sasakyan. Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 11332 (An Act Providing Policies and Prescribing Procedures on Surveillance and Response to Notifiable Diseases). (ANNIE PINEDA)
