SULU – Anim na miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group ang napatay ng mga tauhan ng 45th Infantry Battalion kasunod ng sagupaan sa Barangay Latih, sa bayan ng Patikul sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.
Ayon kay Lt. Col. Arvin Encinas, tagapagsalita ng Western Mindanao Command, tumagal ng mahigut kalahating oras ang bakbakan na nagsimula bandang alas-6:00 ng hapon.
Habang tinutugis ng mga tauhan ng Philippine Army ang tumatakas na mga miyembro ng ASG, na hinihinalang pinamumunuan ni Radullan Sahiron, ay natagpuan ang tatlong bangkay ng mga terorista na kinilalang sina Guro Khalid, Udal Muhamadar Said, at isang alyas Budah.
“Based on reports, three more enemies were killed, and many others were wounded,” pahayag naman ni Maj. Gen. Corleto Vinluan, JTF Sulu commander.
Samantala, walong sundalo naman ang nasugatan sa sagupaan na inilikas mula sa encounter site at itinakbo sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital at inilipat sa Camp Navarro General Hospital para lapatan ng lunas.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng combat patrol ang mga tauhan ng 45th Infantry Batallion ng Philippine Army, sa bahagi ng Barangay Latih, Patikul, nang makasagupa ang ang grupo ng mga terorista.
Magugunitang naka-engkuwentro noong nakalipas na linggo ng militar ang mga miyembro ng ASG, sa pamumuno nina Radullan Sahiron at Hatib Sawadjaan, sa Patikul kung saan napaslang ang 12 sundalo. (JESSE KABEL)
