PUBLIKO HUWAG SISIHIN SA PAGKALAT NG COVID-19 – SOLON

WALANG ibang dapat sisihin sa  pagkalat ng COVID-19 kundi ang gobyerno at hindi ang taumbayan.

Ito ang sinabi ni Senador Leila De Lima dahil ang kapalpakan aniya ng mga ahensya ng pamahalaan ang ugat ng pagdami ng bilang ng kaso ng COVID-19.

“Huwag n’yong gawing punching bag ng frustration n’yo ang taumbayan dahil pumapalpak kayo. Baka nakakalimutan ninyong dinadanas natin ang kalbaryong ito dahil mismo sa inyo. Kayo ang nagpapasok ng Chinese Communist Party (CCP) virus sa atin. Kayo ang hindi kaagad kumilos. Minaliit n’yo ito sa umpisa at tinawanan. Tapos ngayong lulugo-lugo na tayo sa bigat na dala ng COVID-19, ang hahatawin ninyo ay karapatang pantao,” giit ni De Lima.

Idinagdag pa nito na kinakapos sa essential supplies at equipments para sugpuin ang pagkalat ng COVID-19, ngunit mistulang “unli” naman ang pag-abuso ng karapatang pantao ang gobyerno.

“Nagpapatupad kayo ng zero tolerance para sa mga lumalabag sa ECQ gayong kayo mismo hindi pa tapos sa pamamahagi ng ayudang pinansyal mula sa SAP sa daan-libo pang pamilya. What do you expect those parents who are still waiting for this assistance to do? Let their family die from starvation or lose their sanity?” pag-uusisa nito.

Inihalimbawa ni De Lima ang kaso ng pagkakahuli sa isang fish vendor, fruit vendor, at iba pang lumabag sa ECQ na may kaugnayan sa paghahanapbuhay dahil wala pang ayudang dumarating sa mga ito.

“Bago kayo magpakita ng bagsik, tiyakin ninyo na ang gobyerno mismo ay nakatutupad din sa obligasyon nito sa taumbayan at walang pagkukulang. Ngayon kung nagkukulang, tubuan naman ng hiya na magpakumbaba, unawain naman ninyo ang kalagayan ng mga tao, at mahinahong ipatupad ang ECQ,” giit pa ng mambabatas. NOEL ABUEL

273

Related posts

Leave a Comment