SINIMULAN na ng Department of Science and Technology (DoST) ang pagpapadala o pag-deploy ng specimen collection booths sa iba’t ibang ospital sa bansa.
Ang specimen collection booths ay gawa sa plywood walls, may clear waterproof acrylic window at mayroon ding air conditioning para sa kaginhawahan ng medical personnel na gagamit nito sa mga pasyenteng magpapakuha ng specimen.
Mayroon din itong roof-mounted ventilator na may filter, slanted specimen table para mapanatili ang distansiya ng pasyente at ng tester at mayroon ding positive pressure sa loob ng booth para maiwasang mapasok ng contamination galing sa labas ng booth.
Mahalaga ang specimen collection booths para mabigyan ng proteksyon ang mga health worker, para hindi magkaroon ng direktang kontak ang health worker na kumukuha ng specimen at ng pasyente.
Ayon kay DoST Sec. Fortunato dela Peña, nasa kabuuang 132 specimen collection booths ang hiniling sa kanila ng DOH.
Sa bilang na ito 38 ay para sa tinatawag na leval 2 at level 3 hospitals o malalaking ospital habang ang 94 naman ay para sa regional hospitals.
Hanggang kahapon, sinabi ni Dela Pena na nakapag-deliver na sila ng 53 specimen collection booths sa NCR, Regions 2 at 3 habang ang iba ay nasa proseso pa ng delivery dahil inaayos pa ang pagsasakyang eroplano o barko ng mga ito patungo sa iba pang rehiyon. CHRISTIAN DALE
