NANAWAGAN si Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles sa mga bagong abogado na sumama sa pagtatanggol sa mga frontliner sa COVID-19 pandemic na nakararanas ng diskriminasyon sa pagganap sa kanilang tungkulin.
Ginawa ni Nograles ang nasabing panawagan matapos ilabas ng Korte Suprema noong nakaraang linggo ang listahan ng mga abogadong nakapasa sa 2019 Bar Examination.
“Of course, congratulations are in order. Pinaghirapan ng mga bagong abogado ang tagumpay nila ngayon. But as we always say, the hardest part starts now,” ayon kay Nograles.
“Our new lawyers are welcomed into the fold under extraordinary circumstances.
These circumstances are demanding—simply put, we need lawyers to go to bat for our heroes who are risking life and limb to protect us from the threat of the pandemic,” dagdag pa nito.
Wala pang katiyakan kung kailan manunumpa ang mga bagong pasang abogado dahil umiiral pa rin ang enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine (GCQ) kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang maramihang pagtitipon.
Gayunpaman, hindi na kailangan aniyang hintayin ng mga bagong abogado ang kanilang lisensya bago pagsilbihan ang mga nangangailangan ng tulong legal tulad ng mga frontliner sa COVID-19 pandemic na nakararanas ng diskriminasyon dahil sa kanilang trabaho.
Sa ngayon aniya ay maraming grupong nagkusang tumulong, hindi lamang sa anti-discrimination advocacy, kundi sa iba pang adbokasiya tulad ng legal aid sa mga
Person Deprived with Liberty (PDLs) at mahihirap na walang kakayahang magbayad ng abogado.
“Umaasa ako na mangunguna ang mga bagong abogado natin sa pagtatanggol sa mga naaapi lalo na sa panahon ngayon,” ani Nograles, founder ng Lakbay Hustisya Foundation, isang legal aid trust fund na inorganisa para supportahan ang legal aid activities sa buong bansa at nasa likod din ng “e-dalaw” para makausap ng PDLs ang kanilang pamilya at abogado sa pamamagitan ng Skype.
“This is a time for all members of the legal profession to re-examine why we chose a career in law in the first place. The law is about justice, in the end, and I have every confidence that with this principle is foremost in the hearts and minds of our new lawyers, they will not shirk from the challenge of the times,” ayon sa kongresista. BERNARD TAGUINOD
