ISA lang ordinaryong tagakalap ng balita at impormasyon ang inyong DPA as in Deep Penetration Agent na sa tagal ko na sa industriyang ito, masasabi kong wala pa tayo sa panahon ng diktadurya.
Hindi pa inaaresto ang mga kritiko ng gobyerno at hindi pinatatahimik ang mga mamamahayag sa kanilang opinyon. Sa katunayan, sobra-sobra ang nararanasan nating demokrasya sa Pilipinas.
Hindi lang ang mga kagawad ng media ang nagsasalita sa panahong ito. Maraming netizen sa social media ang may mas malulupit na opinyon na kapag isinulat ng mga mamamahayag ay tiyak na kasong libelo ang aabutin nila.
Lahat ngayon ay puwedeng magsalita at magmura sa social media bagay na hindi kayang gawin ng mga nasa mainstream media kaya para sa akin, sobra-sobra ang nararanasan nating demokrasya.
Ingat na ingat ang mga miyembro ng mainstream media sa pagbibitiw ng salita pero hindi sila napipigilan sa pagbubunyag ng mga katotohanan dahil wala naman kinatawan ang gobyerno sa mga media outlet na magse-censor ng mga balitang dapat ilabas at hindi dapat ilabas.
Hindi tayo katulad ng China na isang komunista na nadidiktahan nila ang kanilang media kung ano ang dapat lang nilang isulat at ano ang hindi dapat isulat. Ang mga maglalakas loob na magsabi ng katotohanan, kagawad ng media man o ordinaryong mamamayan ay nababalitaan na lang natin na inaresto sila at pinatahimik.
Tulad ng isang manggagamot sa Wuhan, China na unang nagbabala sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na inaresto ng kanilang gobyerno at matapos lang ang ilang araw ay namatay na raw dahil nahawa sa COVID-19.
Hindi iyan kayang gawin sa Pilipinas dahil hindi naman tayo ‘communist country’ at hindi yan papayagan ng mamamayan at mga kaalyadong bansa. Hindi kaya ng gobyerno iyan.
Kaya ang usapin sa ABS-CBN shutdown, hindi usapin ng demokrasya. Tama si Sen. Manny Pacquiao, walang kinalaman ang press freedom sa pagpapatigil ng National Telecommunication Commission (NTC) sa operasyon ng ABS-CBN.
Napaso na ang kanilang permit o prangkisa kaya ipinasara. Walang permit, walang negosyo. Ang mga maliliit na tao na gustong magnegosyo, hindi nakakapagbukas ng negosyo kung wala silang permit at kapag lumabag sila sa batas, binabawi ang kanilang permit at ora-oradang ipinasasara.
Kapag tayo namang consumers ang hindi agad nakapagbayad ng bills sa kuryente, tubig, telepono na paglabag sa patakaran ng mga negosyanteng ito, hindi ba pinuputulan tayo agad ng linya?
Hindi porke maimpluwensya ang isang grupo, hindi puwedeng i-baby ng gobyerno. Sabi nga nating lahat, dapat pantay-pantay, walang mahirap at walang mayaman. Maimpluwensya man o hindi dapat pare-pareho ang pagtrato.
Kung talagang malinis ang ABS-CBN at walang paglabag sa kanilang prangkisa, wala tututol sa kanilang renewal application at baka noong panahon pa ni dating Pangulong PNoy ay inaprubahan iyan.
Saka kung may kinalaman sa demokrasya at press freedom ang pagpapasara sa ABS-CBN, bakit babalik ang kanilang operasyon sa pamamagitan ng digital media? Nawala lang ang ‘mayor’ sa kanilang kumpanya pero hindi sila pinigilang magsalita. BERNARD TAGUINOD
