PINA-RECALL na muna ang COVID-19 testing kits na dinevelop ng University of the Philippines dahil sa isang “minor defect,” ayon na rin kay Health Undersecretary Rosario Vergeire.
Paliwanag ni Vergeire na ang minor problem ay nadiskubre habang ang testing kits ay nasa validation ng government-run Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
“Doon sa validation, nalaman na may problema ang kanilang testing kit. Very minor, kaya ni-recall iyong mga testing kits nila na dapat ipamimigay sa mga ospital,” sinabi ni Vergeire sa DOH forum.
“I cannot really disclose what the issue is based on the UP testing kits’ proficiency test,” dagdag nito.
Ang nasabing testing kits ay binuo ng mga scientist ng UP-Manila National Institutes of Health (UP-NIH).
Sinabi naman ng UP na ginagawan na nila ng remedyo ang nasabing minor defect.
“Nakausap namin sila noong nakaraang araw, at nasa final stages na sila in correcting the deficiency of the kits. So by next week, maipapa-validate na sa RITM ‘yung UP testing kits,” sinabi ni Vergeire.
Naunang sinabi ni Vergeire na sapat ang supply ng RT-PCR (Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction) at rapid testing kits sa bansa.
Ang RT-PCR kits ay pinoproseso sa laboratory habang ang rapid test kit tests ay inaalam ang antibodies IgM (immunoglobulin) at IgG (immunoglobulin G).
Ang maging positibo sa IgM ay isang senyales na aktibo ang COVID-19 infection habang ang IgG ay nangangahulugan na nakarekober na ang tao mula rito. KIKO CUETO
