ISINUSULONG ng Pasay LGU ang pagbibisikleta sa lungsod bilang alternatibong single-rider transportation sa kasalukuyang modified enhanced community quarantine (MECQ) at hanggang sa pag-iral ng ‘new normal’ na pamumuhay sa lungsod.
Ayon kay Mayor Emi Calixto-Rubiano, solusyon ito sa problema ng mamamayan sa “limited means for mobility” habang nakasuspinde ang mga public mass transportation, na kapag papayagan nang mag-resume ay ire-require pa rin na bawasan ang kanilang magiging pasahero.
Magtatakda ang Pasay LGU ng bike lanes sa mga pangunahing kalsada patungo sa mga lugar na madalas dinadagsa ng tao, kagaya ng pampubliko at pribadong palengke, tanggapan ng pamahalaan, at long-distance transport hubs gaya ng airport, MRT at LRT stations, at bus terminals.
Ang bike lanes, ay pipinturahan at lalagyan ng signages tulad ng paalala na “off-limit” sa motorized vehicles.
Babantayan naman at pangangasiwaan ng mga tauhan ng City Hall tulad ng Traffic and Parking Management Office (TPMO), Tricycle and Pedicab Franchising and Regulatory Office (TPFRO), Public Order and Safety Unit (POSU) at ng mga tauhan ng barangay na nakasasakop ang bawat segment ng bike lane.
“Ang pagbibisikleta ay mas matipid at mas praktikal sa pagtungo sa trabaho o pagbili sa palengke, grocery o botika dahil dito ay hindi na gagastos sa pamasahe, hindi ito gumagamit ng gasolina, paborable ito sa kalikasan at mabuti pa sa kalusugan,” sabi ni Mayor Emi Rubiano.
Ang bahagi naman ng mga kasalukuyang pedestrian lanes laluna yung nasa intersection ay idedeklarang bike lanes para sa mga tatawid na nakabisikleta.
Kaugnay nito ay hihikayatin naman ng Pasay City LGU ang mga may-ari at operator ng mga establisimyento na maglaan ng libreng bike parking area na may chaining rails o pagkakandaduhan ng bisikleta, may sapat na ilaw, at may CCTV at roving security kasunod ng pagbibigay ng mga kaukulang insentibo sa mga may-ari at operator ng mga establisimyento na makikiisa sa inisyatiba. DAVE MEDINA
