NANAWAGAN si Senate Minority Leader Franklin Drilon para sa reorganisasyon ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kasunod ng mga ulat hinggil sa overpriced COVID-19 testing packages.
Naniniwala ang senador na mayroong grupo sa loob ng ahensya na responsable sa overpricing ng test kits.
Matatandaang pinuna ni Drilon ang P8,150 na halaga ng PhilHealth para sa COVID test habang ang Philippine Red Cross ay naniningil lamang ng P3,500 para sa pagsusuri.
“Ang maliwanag lang ay merong grupo diyan na nagse-set ng packages, COVID-19 man o kahit ano. Siguro yan ang tingnan at i-reorganize dahil sa hindi mo maiwasang isipin na baka ito ay meron nang network sa iba’t ibang ospital at service provider na binabayaran ng PhilHealth,” saad ni Drilon.
“Kung may sapat na ebidensya later na makita, file-an ng kaso. Ngunit sa ngayon, habang iniimbestiga natin, i-reorganize na,” giit pa nito.
Binigyang-diin pa ni Drilon na may malinaw na pananagutan sina PhilHealth President Ricardo Morales at Health Secretary Francisco Duque III dahil sa kanilang negligence sa sinasabing overpriced COVID-19 test kits.
“Paano naman nangyari ito kung talagang tinitingnan nila nang husto itong mga bagay na involving public funds? They failed to exercise the duly diligence of good father of a family. Yan ang prinsipyo sa batas,” diin ni Drilon.
“Alam mo, particularly si Duque, sa nakikita ko nakakabigat [si Duque] sa kampanya laban sa COVID-19,” banat pa ng senador. DANG SAMSON-GARCIA
