HINDI lang mga paglabag sa batas ang sinisilip ngayon sa ABS-CBN kundi maging ang paglalaro umano nito sa pulitika sa mga nakaraang eleksyon at pag-astang kingmaker gayung broadcaster ang dapat naging papel nito.
Ito ang isa sa mga alegasyon ng main oppositor sa franchise renewal application ng ABS-CBN na si Deputy Speaker Rodante Marcoleta ng Alagad party-list sa pagdinig ng House committee on legislative franchise at good government and public accountability.
Ayon sa mambabatas, halatang-halata ang pagka-bias ng ABS-CBN noong 2010 at 2016 presidential election na isa umanong paglabag sa batas kaya hindi dapat bigyan ng panibagong prangkisa ang mga ito.
“ABS-CBN has been biased and partisan in favor of part candidates and against certain candidates during the 2010, and 2016 presidential candidates, contrary to the terms of its franchise and in violation of the omnibus election code,” ani Marcoleta.
Idinagdag pa ni Marcoleta na …”Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami, kung hindi man lahat kung paano naging pro-Noynoy Aquino ang ABS-CBN nung 2010 at pro-Grace Poe at pro-Leni Robredo naman nung 2016.”
Inungkat din ng mambabatas ang paglalabas ng ABS-CBN sa political ads ni dating Sen. Antonio Trillanes na panira sa kandidatura ni Pangulong Rodrigo Duterte na napigilan lamang nang maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang isang Korte sa Taguig laban dito.
“Kung hindi pa sila pinigilan ng korte sa pamamagitan ng TRO, ay nakahanda na palang ipalabas ng ABS-CBN sa bisperas mismo ng pagtatapos ng campaign period ng 2016 presidential elections, ang mga anti-Duterte advertisement na binayaran ng isang dating senador. Sinadya ang timing para hindi bigyan ng pagkakataon makasagot pa si Mayor Duterte na noon ay
kandidato bilang presidente. Buti na lang napaluhod ng korte ang petition ni Speaker Alan Peter Cayetano na noon ay VP ni Pangulong Duterte at nag-issue ng TRO ang korte sa ABS-CBN,” dagdag pa ng mambabatas.
“Paalala lang po sa ABS-CBN, you are a broadcasting company not a political kingmaker. Either you play ball or you play fair,” ani Marcoleta. BERNARD TAGUINOD
