MAY hinala si Senador Richard Gordon na may mga nagnanais sumulot sa pwesto ni Health Secretary Francisco Duque III kaya’t patuloy ang mga kritisismo laban sa kalihim.
“Ang problema lang natin dito pagka-minsan may mga ganyan mukhang may umaasinta sa pwesto lalo na maraming pera ang DOH at PhilHealth kaya siguro sinusundot-sundot ng iba yan,” saad ni Gordon.
Aminado naman si Gordon na maraming isyu at may mga pagkukulang si Duque subalit nanindigan ito na hindi tamang magpalit ng pinuno ng ahensya sa gitna ng laban kontra COVID 19 pandemic.
Ipinaliwanag ng senador na sadyang mahirap ang trabaho ng kalihim lalo pa’t ngayon lamang nangyari ang ganitong uri ng pandemya.
Sa kabilang dako, suportado ni Gordon ang pagsisiyasat ng Ombudsman upang mailabas ang katotohanan hindi lamang sa mga sinasabing iregularidad sa DOH kundi maging sa PhilHealth.
Nagbabala rin ang senador sa mga regional officer ng PhilHealth na mas makabubuting magbitiw na sa pwesto lalo na ang mga tiyak na may ginagawang kalokohan dahil maging sila anya ay nagsasagawa ng sarili nilang pagbusisi. (Dang Samson-Garcia)
