MISTULANG ipinaalala ng Malakanyang na ang batas ang nagtakda ng pagbubukas ng klase sa Agosto ngayong taon.
Ito ang tugon ni Presidential spokesperson Harry Roque sa naging pahayag at pakikiisa ni Vice President Leni Robredo sa panawagan na i-reschedule ang pagbubukas ng klase upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga guro na makapaghanda sa alternatibong ‘modes of teaching’ ngayon.
Ang pagbubukas ng klase ay itinakda sa Agosto 24.
“As far as the actual date of classes, may batas po ‘yan [Republic Act 7797]. We have to comply with the law which is the last week of August. Unless Congress will pass a law providing that we could open on a later date,” ayon kay Sec. Roque.
Nagpasa ng batas ang Kongreso na naglalayong payagan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magtakda ng kahit na anomang petsa sa pagbubukas ng klase sa buong Pilipinas o sa ilang apektadong lugar habang nakataas ang states of calamity o emergency.
Hindi pa nalalagdaan ni Pangulong Duterte ang panukalang hakbang subalit ang face-to-face classes ay malabong mangyari habang wala pang bakuna na available laban COVID-19.
Dahil sa public health emergency, nagdesisyon ang Department of Education na i- resume ang klase sa pamamagitan ng distance learning, kung saan ang mga estudyante ay hindi na kinakailangan na magpunta sa eskuwelahan para magpartisipa sa klase para maiwasan ang pagkahawa sa virus.
Ang departmento ay naghahanda na para sa pagbibigay ng edukasyon sa mga estudyante sa pamamagitan ng self-learning modules, broadcast media, at internet. CHRISTIAN DALE
