NANAWAGAN si ACT-CIS Party-list Representative Niña Taduran sa pamahalaan na magpadala muli ng mga eroplano at barko ng Philippine Navy sa ibayong dagat, partikular sa mga bansa sa Gitnang Silangan para maiuwi ang daan-daang may sakit na OFWs.
Ang naturang panawagan ay bunsod na rin ng dinaranas sa ngayon ng mga Pinoy na nasa ibang bansa na kinakailangan ng matinding kalinga dahil sa depresyon na siyang dahilan ng pagkakasakit hanggang sa ikamatay ng mga ito.
Ayon sa House Asst. Majority Leader, maaaring dalhin sa mga pagamutan sa bansa ang mga OFW, lalo na sa Mariano Marcos Memorial Hospital sa Ilocos Norte na iisa lang ang pasyenteng may COVID-19. Ang barko naman ay makapagsasakay ng maraming may sakit na OFWs na maaaring ma-quarantine na habang naglalayag.
“I have been receiving calls for help from our fellow Filipinos who are sick with COVID-19 but not admitted in hospitals. Tinatanggihan daw sila ng mga ospital doon at sinasabihang mag-quarantine na lang sa tinitirhan nila.
Wala raw tumutulong sa kanila kung hindi kapwa nila manggagawang Filipino,” ani Taduran.
Ayon sa mga may sakit na OFW, hindi sila tinutulungan ng embahada ng bansa at maging ng kanilang mga employer at ahensya.
“It is very alarming to know that some OFWs die in their rented homes without getting medical help. And some take their own lives due to depression,” ayon kay Taduran.
“Nakikiusap ako sa ating mga embahada at sa mga ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa OFWs na huwag balewalain ang kanilang panawagan para sa inyong tulong. Umaksyon naman kayo. Our heroes need saving.
Pababayaan ba natin ang ating mga itinuturing na bagong bayani o hanggang salita lang tayo?” pagtatapos ni Taduran. (CESAR BARQUILLA)
