NAIS ni Senador Risa Hontiveros na magsagawa ng imbestigasyon ang Senado sa insidente ng pagpatay ng mga pulis sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu.
Sa kanyang Senate Resolution 460, nais ni Hontiveros na bumalangkas ng mga hakbangin upang maiwasan ang labis na paggamit ng pwersa at karahasan ng tropa ng pulisya.
Sinabi ng senador na ang insidente sa Jolo ay nakadagdag sa kwestyonableng tiwala ng publiko sa PNP lalo pa at hindi ito ang unang pagkakataon.
Tinukoy ni Hontiveros ang pagpatay kay Winston Ragos, dating sundalo na binaril ng pulis sa checkpoint sa Quezon City noong Abril.
“Hindi pwedeng trigger-happy ang ating kapulisan,” diin ng senador.
Iginiit ng mambabatas na dapat maintindihan ng mga pulis na ang mga pagpatay ay nakadadagdag lang ng takot sa mga tao, at mas lalong nakababawas ng tiwala.
Pinaalalahanan pa ni Hontiveros ang PNP hinggil sa kanilang motto na ‘to serve and protect’ at ang pananatili ng kapayapaan sa bansa. (DANG SAMSON-GARCIA)
