TV, RADIO FREQUENCIES NG ABS-CBN GAMITIN SA DISTANCE LEARNING

INIREKOMENDA ng isang lider ng Kamara sa gobyerno na gamitin ang television at radio frequencies na dating nakatalaga sa ABS-CBN para sa distance learnings na ipatutupad ng Department of Education (DepEd) ngayong panahon ng pandemya sa COVID-19.

Base sa inihaing House Resolution (HR) 1044 ni Deputy Speaker LRay Villafuerte, bakante na ang nasabing frequencies matapos tanggihan ng Kamara ang panibagong prangkisa ng ABS-CBN dahil sa paglabag ng mga ito sa batas.

“Exhausting all possible delivery modes such as the use of untapped television and radio frequencies as those vacated by ABS-CBN is important in keeping students engaged amid the learning crisis sweeping across the globe as a result of the coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak,” ayon sa mambabatas.

Maaari rin aniyang gamitin ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force ang nasabing frequencies para maipalaganap sa buong bansa ang “COVID-19 prevention and control, risk reduction and preparedness”.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa ipatutupad na distance learning ng DepEd ngayong school year upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng COVID-19 habang nag-aaral ang mga kabataan.

Kailangang mapakinabangan aniya ang mga frequencies na ito ng mamamayan lalo na ang mga estudyante na hindi pa naabot nang maayos na koneksyon sa internet upang hindi mapurnada ang kanilang pag-aaral.

Nais ng mambabatas na maiiwas ang mga kabataang Filipino na mapabilang sa tinataya ng World Bank (WB) na aabot sa 1.6 billion estudyante sa 161 bansa sa mundo na hindi makapag-aaral dahil sa COVID-19 pandemic.

“The reduction in losses in learning require creativity in remote learning strategies, such as tapping radio and TV as alternative media for teaching purposes,” ayon pa kay Villafuerte na kabilang sa 70 mambabatas na nagbasura sa franchise application ng ABS-CBN. (BERNARD TAGUINOD)

97

Related posts

Leave a Comment