3 QC COUNCILORS TINAMAAN NG COVID-19

KINUMPIRMA ni Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit chief, Dr. Rolly Cruz na nagpositibo sa COVID-19 testing noong nakaraang Linggo ang tatlong konsehal ng lungsod.

Sa panayam ng Peryodiko Filipino Inc. (PFI) kay Dr. Cruz, sinabi niyang agad nilang isinailalim sa ‘isolation’ ang mga konsehal at nagsasagawa na rin umano sila ng ‘contact tracing’ sa mga nakasalamuha ng mga ito.

Ilang linggo pa lamang ang nakararaan mula nang ianunsyo ni QC Mayor Joy Belmonte na nagpositibo rin siya sa COVID-19.

Kaugnay nito, isinailalim na sa ‘disinfection’ ang QC Hall Executive Building at Session Hall simula noong Lunes at matatapos ngayong Biyernes.

Binanggit din ni Dr. Cruz na nauna nang ini-lockdown ang QC Hall of Justice at annex nito matapos na may mga nagpositibo sa mga empleyado nito.

Samantala, sa pinakahuling ulat na inilabas ng Department of Health (DOH), hanggang nitong Hulyo 15, ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Quezon City ay 4,646.

Ang validated cases ng QC Epidemiology and Surveillance Unit at District Health Offices ay 4,546 at ang active COVID-19 cases ay 1,772.

Nakapagtala naman ng 28 bagong recoveries na nagdala ng kabuuang bilang ng mga gumaling sa 2, 511.

Ayon pa sa report ng DOH, hanggang nitong Hulyo 15, ang siyudad ay may kabuuang bilang ng mga nasawi na 263.

Kaugnay nito, nanawagan si Dr. Cruz sa taumbayan na laging magsuot ng face mask, maglagay ng alcohol at laging maghugas ng kamay para makaiwas na mahawa sa virus. (JOEL O. AMONGO)

212

Related posts

Leave a Comment