(NI CESAR BARQUILLA)
PINIRMAHAN na ni dating pangulo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang Universal Health bill na naglalayong masiguro na ang lahat ng Filipino ay mabibigyan ng patas na access sa de kalidad at abot kayang health care services at maprotektahan mula sa financial risk.
Matapos malagdaan noong Lunes, ibinalik na ang panukala sa Senado na ipadadala naman sa Malacañang para sa lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte. Una nang nilagdaan ni Senate President Tito Sotto ang naturang panukala.
Sinabi ni Arroyo, ipinagmamalaki niya ang panukala dahil mangangahulugan ito ng universal at mas episyenteng health coverage sa bawat Pinoy partikular ang nasa mahihirap na komunidad.
Nabatid na noong pangulo pa si Arroyo, pinalawig niya ang coverage ng free medical services sa mga Filipino, sa paglulunsad ng P3-billion universal health insurance coverage na magbibigay ng libre o subsidized hospitalization at iba pang medical assistance sa government private sector employees at indigent families sa pamamagitan ng Executive Order No. 276.
Nagawa pa ni Arroyo na maitaas sa 50 million ang mga benepisaryo ng Philhealth mula sa inisyal na target na 5 million bago matapos ang kanyang termino. Mula naman sa 400,000 indigent families na sakop ng Philhealth noong 2001 ay tumaas sa limang million mahihirap na pamilya ang nasakop ng Philhealth sa pagtatapos ng kanyang termino noong 2010.
Base sa ilalim ng UHC bill, ang bawat Pinoy ay otomatikong maisasama sa National Health Insurance Program (NHIP) para mabigyan ng access sa primary medical, dental, mental and emergency health services, medicines, diagnostics and laboratory maging ng preventive, curative at rehabilitative care.
Ang Department of Health, sa pamamagitan ng Philhealth, ang siyang magpapatupad ng programa.
Dalawang grupo ang bubuo sa mga miyembro ng Philhealth, ang direct contributors o nagbabayad na miyembro at indirect contributors na non-paying members, na ang membership ay fully subsidized mula sa tax collections.
161