NAKIPAGPULONG ang mga key member ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa mga opisyal ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), kasama ang League of Provinces, League of Cities, League of Municipalities, Liga ng mga Barangay, at lahat ng governors at mayors na nasa general community quarantine (GCQ) areas.
Sinabi ni DILG Sec. Eduardo Año, maganda ang naging resulta ng ginawang pakikipag-usap ng IATF sa mga lokal na pamahalaan ng bansa dahil marami aniya silang napagkasunduan kung paano maipatutupad nang maayos at epektibo ang localized lockdown.
Aniya, kabilang sa dapat mabigyang pansin sa localized lockdown ang masigurong naha-handle nang maayos ng mga LGU ang health standards implementation para sa mga locally stranded individual (LSI) na umuuwi sa kani-kanilang probinsiya.
Napag-usapan din aniya sa pagpupulong na ito, ang pagkakaroon ng iisang guidelines na siyang susundin ng mga lokal na pamahalaan sa bansa hinggil sa ipapataw na parusa sa mga mahuhuling lumalabag sa health protocols tulad ng social distancing at hindi pagsusuot ng facemask.
Sinabi pa ng kalihim na kailangan mabigyang linaw kung gaano dapat katagal ikukulong ang mga maaarestong violator at kung magkano ang ipapataw na multa sa mga ito.
Sa kabilang dako, pinagsusumite naman ng IATF ang lahat ng LGUs ng kani-kanilang proposal hinggil sa kanilang mga natalakay na usapin, upang ito’y mapag-aralan at agad makabuo ng iisa o uniformed policies na ipatutupad sa buong bansa.
Giit ni Sec. Año, napaka-importante ng mga ito upang mapigilan ang pagtaas pa ng bilang ng mga nahahawa ng COVID-19 sa iba’t ibang panig ng bansa. (CHRISTIAN DALE)
