(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG masiguro na hindi aabusuhin ang batas sa medical marijuana, ipagbabawal sa mga pribadong negosyante o pulitiko na magnegosyo sa industriyang ito.
Base sa House Bill (HB) 6517 o Philippine Compassionate Medical Cannabis Act na inaprubahan sa ikalawang pagbasa sa Kamara noong Miyerkules, tiniyak walang pribadong negosyante ang maaaring magnegosyo sa gamot na ito.
Tanging sa mga pagamutan na nasa ilalim ng Department of Health (DoH), kasama ang tertiary at private hospital maaaring bilihin ang mga medical marijuana.
“The only places where prescribed medical cannabis will be available are DoH hospitals, tertiary hospitals, and private hospitals licensed for medical cannabis purposes,” ani Kabayan party-list Rep. Ron Salo.
Maliban dito, kailangang lisensyado ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga pagamutang ito na magbebenta ng mga medical cannabis at maging ang mga doctor na magbibigay ng prescription.
Ang mga taong maaring bigyan lang ng prescription ay dumadanas ng cachexia, seizures, epilepsy o severe and persistent muscles spasms,kasama na ang may kinalaman sa multiple sclerosis.
Sinabi ng mambabatas na sadyang ginawa ang nasabing probisyon bilang safeguard at ng masiguro na walang pang-aabuso na mangyayari sa sandaling maging batas at maipatupad ang panukalang ito.
Unang nagbabala si Buhay party-list Rep. Lito Atienza na may mga pulitikong gustong magnegosyo ng marijuana sa bansa kaya mayroon na umano pumasyal sa Canada at Amerika kung saan legal na medical marijuana para pag-aralan ang negosyong ito.
157