NILOLOKO na ang taumbayan at “kriminal” na rin umano ang pag-iisip ng ABS-CBN kaya hindi inaprubahan ang kanilang aplikasyon sa panibagong 25 taong prangkisa.
Ganito ang paglalarawan ni Cavite Rep. Jesus Crispin “Boying” Remulla sa ABS-CBN kaugnay ng paggamit nito sa Amcara Broadcast Network upang maipagpatuloy ang kanilang operasyon.
Sa Zoom conversation nina Remulla, Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, Deputy Speaker Dan Fernandez at Deputy Speaker Rodante Marcoleta, ibinalik ng Cavite congressman ang natuklasan sa paggamit umano ng ABS-CBN sa Amcara na pag-aari din umano ng mga ito.
“Yung Amcara, yun ang kanilang escape. Magbo-broadcast sila, magba-blocktime sa Amcara kaya minabuti ko to look behind Amcara kasi parang maraming nakalibing, parang marami siyang tinatago,” ani Remulla.
Unang nakita aniya sa Joint hearing ng House committee on legislative franchise at committee on good government na hawak ng ABS-CBN ang Amcara na mistulang ipinangalan lamang ito kay Rodrigo Carandang at ginamit umano ang network nang walang paalam sa Kongreso.
Pagsisinungaling din umano nang sabihin ni Carandang na ibinenta sa kanya ng ABS-CBN ang 49% share ng kumpanya subalit hindi niya ito binayaran sa halagang P40 milyon sa halip, idadaan na lamang ito sa dibidendo ng kumpanya na hindi naman umano kumikita.
Maging ang equipment ng ABS-CBN na itinalaga umano sa Amcara ay hindi rin kapani-paniwala dahil walang maipakitang deed of assignment at hindi rin umano nagbayad ang mga ito ng buwis
sa paglilipat sa mga kagamitan.
“So ang nakalabas dyan talaga, plinano nila na lokohin tayong lahat. Mayroon silang escape goat .. gagamitin nila, naka-blocktime sila sa isang kumpanya na sila ang may-ari,” giit pa ni Remulla.
(BERNARD TAGUINOD)
