NAPANOOD ko sa telebisyon ang kilos-protesta ng mga progresibo at kaliwang organisasyon laban sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Makabuluhan ang mga isyung inilabas ng mga sumama sa pagkilos dahil mga bagong ‘maiinit na isyu’ ang tinutulan nila tulad ng Anti-Terrorism Act of 2020, prangkisa ng ABS-CBN Corporation dahil sa mga manggagawa nito na nawalan ng trabaho, palpak na aksiyon ng pamahalaan laban sa coronavirus disease 2019 at iba pa.
Kahit mayroong banta ang pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Major General Debold Sinas na huhulihin ang mga magpoprotesta, nagpatuloy ang mga aktibista na ilunsad ang kanilang pagkilos.
Pero, sa halip na sa Commonwealth Avenue, isinagawa ang pagkilos sa teritoryo ng University of the Philippines – Diliman, batayan upang hindi hulihin ng mga pulis ang mga aktibista.
Napakaraming lumahok.
Nangangahulugang buhay na buhay ang demokrasya sa Pilipinas kahit mayroon na tayong Anti- Terrorism Act of 2020.
Kaso, nang makita ko si Renato Reyes ay biglang wasak ang kredebilidad ng protesta ng mga progresibo at kaliwang organisasyon.
Si Reyes ang pangkalahatang-kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Ang Bayan ay kuwalisyon ng mga legal na organisasyon mula sa iba’t ibang sektor na pare-parehong nagsusulong ng pambansang-demokratikong adyenda at simulain.
Bayan ang nagsama-sama at nagbigkis sa mga organisasyong tulad ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Gabriela, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Alliance of Concerned Teachers (ACT),
League of Filipino Students (LFS) at iba pa.
Matagal nang pangkalahatang-kalihim si Reyes ng Bayan.
Palaging si Reyes din ang iniinterbyu ng mga mamamahayag tuwing SONA ng pangulo.
Ilang dekada na ang nakalipas nang magsimulang magsalita si Reyes sa mga kilos-protesta, kabilang na ang pagbatikos ng Bayan sa SONA ng pangulo.
Napakaitim pa ng buhok niya noon.
Ngayon, puti na ang buhok ni Reyes, ngunit nagsasalita at ‘nakikibaka’ pa rin ang taong ito.
Karapatan niya ‘yan bilang Filipino.
Kaso, inuupakan lamang siya sa social media matapos siyang magsalita sa rali.
Mayroon ngang mga pagkakataon na mai-post lang sa social media ang litrato ni Reyes, tulad noong sumisipsip siya ng soft drink na nabili sa isang kilalang food chain, ay kaliwa’t kanang bira ang
ibinato sa naturang beteranong pambansa-demokratikong aktibista.
Ibig sabihin, napakarami nang tao ang nabubuwisit kay Reyes.
Naparakami nang tao ang hindi naniniwala sa pinagsasabi ng pinuno ng Bayan.
Dahil kay Reyes, wala nang kredebilidad ang pagkilos ng mga progresibo at kaliwang aktibista.
Ang masama ay nadadamay ang mga matitinong organisasyon na hindi bahagi ng Bayan.
Kahit masama at mapanghe na ang kredebilidad ni Reyes ay patuloy pa rin siyang pinuno ng Bayan at nagsasalita sa ngalan ng mga legal na pambansa-demokratikong organisasyon.
Hindi pinapalitan, o hindi iniiwanan ni Renato Reyes ang kanyang posisyon.
Kaya, hindi ko masisisi ang maraming tao na mag-isip na posibleng malaki ang buwanang sahod o allowance, ni Renato Reyes.
