WALANG KATAPUSANG KORAPSYON SA ADMINISTRASYONG DUTERTE

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA

PAKITULUNGAN po ninyo akong bilangin kung ilang ulit nang inimbestigahan ng Senado ang korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ngayong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Noong una ay 2017 kung saan bagong talagang kalihim ng Department of Health (DOH) si Dr. Francisco Duque III.

Ang paksa ay tungkol sa mahigit P3 bilyong proyektong dengvaxia ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III at iba pang korapsyon sa PhilHealth.

Ang sumunod ay noong 2019 na binusisi ang pagpasok ng ­kumpanya ng pamilya ni Duque ng kontrata sa PhilHealth.

Ngayon naman ay tungkol sa proyektong information technology (IT) at pamimigay ng pondo sa mga ospital na mayroong akreditasyon sa PhilHealth para matulungan ang mga ito sa pag-aasikaso at paggamot sa mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nanatiling bingi at bulag si Pangulong Rodrigo Duterte kahit sunud-sunod lumabas sa media, kabilang ang Saksi Ngayon, ng mga balitang nagbunyag sa korapsyon ng PhilHealth.

Lumabas sa unang araw ng imbestigasyon ng Senado ay tumataginting na P15 bilyong pera ang naibulsa ng “mafia,” o sindikato, sa PhilHealth.

Pokaragat na ‘yan!

Pagkatapos nito, kakasuhan at makukulong ba ang mga korap sa PhilHealth?

At sa susunod na taon, ano kaya ang korapsyong iimbestigahan ng Senado sa PhilHealth?

Hindi pa kasama rito ang pinaniniwalang sobrang mahal na presyo ng personal protection equipment (PPE) ng health workers at COVID-19 testing kits na galing China na nabili ng DOH.

Ayon sa isang senador, ­marami ring ‘beteranong’ sindikato sa DOH.

Ilang ulit ding inimbestigahan ng Senado ang korapsyon sa Bureau of Corrections (BuCor) at New Bilibid Prison (NBP), ngunit hindi kinasuhan ang mga pangunahing magnanakaw.

Napakalaya pa nila hanggang ngayon!

Ilang buwan ding inimbestigahan ang Bureau of Customs (BOC) noon, ngunit malayang-malaya pa rin ang mga opisyal na totoong sangkot sa talamak at garapalang korapsyon sa nasabing

ahensiya.

Ang iba sa kanila ay nanatiling opisyal sa administrasyong Duterte.

Pokaragat na ‘yan!

Nakatakdang imbestigahan din ng Kongreso ang inireklamo ng mga magsasaka mula sa Gitnang Luzon laban sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) tungkol sa P271.66 milyong “overpriced” sa P1.8 bilyong halaga ng pataba.

Ang P1.8 bilyong presyo ng pataba ay nanalo sa pasubasta ng DA kahit P1,000 ang presyo ng pataba bawat sako, samantalang P800 bawat isang sako ang halaga nito sa pamilihang bayan.

Kahit ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay matagal na ring ‘nagtatampisaw’ sa malalaking kita ang mga inhinyero at ‘substansiyal’ na bilang ng mga opisyal dito.

Balita ko, mayayaman ang mga opisyal at inhinyero sa DPWH.

Balita ko rin, maraming kilalang kontraktor ang mga inhinyero sa kagawarang ito.

Napakarami pang ahensiya ng pamahalaan ang pinamumugaran ng mga korap na opisyal na hindi pa nakakalkal ng mga journalists.

Kahit nga ang mga pamalaang lokal mula Sangguniang Kabataan hanggang pamahalaang pambarangay hanggang pamahalaang lungsod, o bayan, hanggang pamahalaang panlalawigan ay napakayaman sa kaso ng katiwalian at korapsyon.

Hindi na aabot sa dalawang taon ang natitira sa anim na taong termino ni Duterte, ngunit hindi pa rin natatapos ang korapsyon.

Malaganap pa rin ang sulira­ning ito sa iba’t ibang yunit ng pamahalaan.

Natatandaan ko ang idiniin ni Duterte noong 2017 na hindi niya papayagan ang korapsiyon sa kanyang administrasyon, kaunting kaluskos nito.

Ganito ang eksaktong banggit niya: “I will never tolerate corruption in my administration. Not even a whiff of it.”

Tiniyak pa ni Duterte na tatanggalin daw niya sa puwesto ang sinomang opisyal sa kanyang administrasyon na masangkot sa korapsyon.

Ang mga naganap sa PhilHealth, DOH, BuCor, DA at iba pa ay napakalakas na sunud-sunod na pagsabog.

Kung totoong granada ang naihagis sa publiko mula sa mga nasabing ahensiya ay pihadong napakaraming namatay, sapagkat hindi kaluskos, o sipol, ang ating narinig, kundi bomba.

Mga bombang napakalakas ng pagsabog dahil sa sobrang laganap ang garapalang korapsyon sa pamahalaan.

286

Related posts

Leave a Comment