(NI BERNARD TAGUINOD)
WALANG plano ang House contingent na isuko ang kanilang paninindigan na buksan sa media ang Bicameral Conference meeting sa 2019 national budget upang malaman ng publiko ang kanilang ginagawa.
Ipinagpatuloy kahapon ang ikalawang bicam meeting ng mga contingent ng Kamara at Senado para isapinal ang P3.757 trillion national budget ngayong taon.
Ayon kay House appropriation committee chairman, Rep. Rolando Andaya Jr., hihilingin nila sa kanilang mga counterpart sa Senado na buksan sa media coverage ang kanilang bicam meeting simula ngayong umaga sa Manila Polo Club sa Makati City.
“The House contingent will request the senators to open the bicam discussion to the public. We stand firm in our earlier position to allow the media to cover the bicam proceedings,” ani Andaya.
Kailangang maipakita umano sa publiko ang mga pag-amyenda na gagawin sa national budget dahil karapatan ng tax payers na malaman kung saan ginagastos ang kanilang buwis.
Sa katunayan, naghanda umano ang technical working group (TWG) ng matrix na nagpapakita ng mga pagkakaiba ng bersyong ipinasa ng Senado sa bersyon ng Kamara sa national budget.
“This will be the baseline of our discussion,” ayon kay Andaya na lider ng House contingent sa Bicam, habang sa Senado ay pinangungunahan ito ni Sen. Loren Legarda.
“If we don’t see it in the bicam, it’s pork. If we don’t approve it in the bicam, then it’s also pork,” mensahe pa ni Andaya sa kanilang mga counterpart ukol sa pagkakaiba ng bersyon na hiwalay na inaprubahan ng Kamara at Senado.
353