KUNG HINDI NAGAHAMAN, HINDI MALALAMAN

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

 

MARAHIL ay patuloy na namamayagpag sa bilyon-bilyong pisong pondo ang mga opisyales ng PhilHealth kung hindi lamang ito masyadong naging gahaman. Biruin mo naman na pati ang mga overseas Filipino workers (OFWs) ay tinarget sa singilin para lamang maipantapal sa nawawalang pondo at mapigilan ang tuluyan nitong pagka-bangkarote.

Magugunita na ang usapin ukol sa PhilHealth ay nag-ugat simula ng mag-ingay ang mga OFWs sa lahat ng dako ng mundo. Mahigpit na tinututulan ng mga OFWs ang pagtaas ng binabayaran na

PhilHealth ­Premium na umaabot sa katumbas na 3% hangang 5% ng sweldo ng mga OFW.

Mantakin mo naman na ang mga OFW na dugo at pawis ang puhunan ay kinakailangang magbayad mula 25,000 ­hanggang 50,000 kada taon para lang sa health ­insurance na hindi naman lubusan na ­mapapakinabangan sa ibang bansa.

Dahil dito, ay sunod-sunod na birada ang pinasabog ng mga OFWs. Katunayan maging ang aking kolumn na Ako OFW ay makailang ulit na rin naglabas ng mga artikulo ukol dito upang gisingin at tawagin ang pansin ng mga OFWs at ng kongreso.

At lalong sumabog ang usapin dito nang magdesisyon si PhilHealth anti-fraud ­officer Thorrsson Montes Keith na ­mag-resign dahil sa diumano ay hindi na nya masikmurang anomalya sa loob ng ­

PhilHealth . Isa sa tinukoy nya ay ang planong gahasain ang mga OFW sa pamamagitan ng pagpupursige na ipatupad ang pagsingil at pagtataas ng ­PhilHealth Premium ng mga OFW upang mapagtakpan ang nauubos na pondo ng ­PhilHealth.

Dahil sa ginawang pagbubunyag ni Atty Keith, ay mistulang nagbukas ang mahiwagang Pandora’s Box na ­punong-puno pala ng mga anomalya na halos umaabot sa 153 bilyong piso sa loob pa lamang ng pitong taon  simula sa taon 2013.

Maging si Presidential Anti-Corruption Commissioner (PACC) Greco Belgica ay tila-sukang-suka na sa kanyang natuklasan kung kaya kanyang nabangit na “Madami na ­kaming inimbestigahan, kinasuhan, pinatangal at ipinakulong, pero ang issue ng PhilHealth, grabe po ito. Grabe ang nakawan, grabe ang kakapalan, grabe ang kawalanghiyaan”.

Tama si Anak-kalusugan Partylist Representative Mike Defensor na ang ginagawang paglapastangan sa pondo ng mga opisyales ng Philhealth ay isang malinaw at lantaran na pandarambong, kung kaya nararapat lamang na kasuhan ng Plunder ang lahat ng sangkot dito maging ang mga tauhan nito sa mga Regional Offices.

Dapat nang kalusin ang katakawan at walang kabusugan ng opisyales ng PhilHealth.

Marahil kung malilinis ang sistema at tuluyan ng mababawasan ang kurapsyon sa PhilHealth ay maaring gumanda ang serbisyo at madagdagan pa ang mga benepisyo ng mga miyembro nito.

Samantala, dapat din silipin ng Senado at mababang kapulungan ang iba pang mga Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) katulad ng Philippine Amusement and Gaming

Corporation (PAGCOR), Philippine ­Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Crop I­nsurance Corporation (PCIC) at ang iba’t-ibang sangay sa ilalim ng Philippine National Oil Company (PNOC). Dapat siguruhin na ang mga nasabing GOCC na ito ay hindi tinatauhan ng mga gahaman at walang kabusugang mga opisyal.

                                                                                                                                                                            oOo

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.

176

Related posts

Leave a Comment