“EVEN areas under GCQ and MGCQ magkakaroon pa rin po tayo ng localized ECQ, so wala po talagang katapusan ang ECQ dahil ang ECQ ngayon localized o granular,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Aniya, ang pamahalaan ay maghahanap ng clusters of infection sa pagpapatupad ng localized lockdowns, upang ang strict quarantine ay hindi ipatutupad sa buong lungsod o lalawigan.
“Kung nasasaan sila ‘yan po talaga ilo-lockdown, hindi nga lang po ung buong siyudad, buong probinsiya kundi ‘yung lugar kung nasaan po nararoroon ang clusters,” aniya pa rin.
Ang pagpapatupad ng minimum public health standards ay mananatili kabilang na ang paggamit ng face masks, pagsusuot ng face shields sa public transport, physical distancing, at pagpapalakas sa isolation ng confirmed cases.
Sa kabilang dako, ang community quarantine classification ng National Capital Region (NCR), Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal ay iaanunsyo naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa darating na Lunes, Agosto 17 o bago magtapos ang MECQ classification sa mga nasabing lugar sa Martes, Agosto 18.
Nauna rito, isinailalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ngayong Biyernes, ang mga lalawigan ng Nueva Ecija, Batangas at Quezon sa Luzon sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) simula bukas, Agosto 16, 2020 hanggang Agosto 31, 2020.
Ang iba pang lugar na nasa ilalim ng GCQ ay Iloilo City, Cebu City, Lapu Lapu City, Mandaue City, Talisay City, mga munisipalidad ng Minglanilla at Consolacion sa Cebu province para sa Visayas.
Ang natitirang lugar sa bansa ay nasa ilalim naman ng Modified General Community Quarantine (MGCQ), kasama ang ilang lalawigan, highly urbanize cities at independent component cities na may strict enforcement ng local action. (CHRISTIAN DALE)
