HINAMON ni Senador Francis “Tol” Tolentino si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na maunang magpaturok ng bakuna na manggagaling sa Wuhan, China.
Sa pagdinig sa Senado, iginiit ni Tolentino kay Duque na magsilbing halimbawa sa publiko na ligtas gamitin ang bakuna na nanggaling sa China.
“Mas mainam pa nga siguro Secretary, ikaw iyong maunang magpaturok,” sabi ni Tolentino.
Tugon naman ni Duque, ang mga bakunang darating ay dadaan sa tamang proseso bago ipakalat sa mga pagamutan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Padadaanin po natin iyan sa proseso ng ating regulatory FDA (Food and Drug Administration) para sigurado po tayo na alinsunod sa kaligtasan, de kalidad at epektibo ang mga bakuna na ito, lalo na kung bago mayroon pong risk,” sabi ni Duque.
“Let me remind you Mr. Secretary that your dilly dallying and semblance of evasion in answering the question is probably reflective of your non-bravery being the field marshall of this pandemic
war,” ayon naman kay Tolentino.
Hiniling din ng mambabatas kay Duque na bilisan ang paggawa ng isang malinaw na roadmap para sa pagbili ng COVID-19 vaccine upang mabigyan ng plano ng mas malinaw na direksyon ang
pamahalaan.
Hindi napigilan ni Tolentino na gisahin si Duque sa pamimili nito ng mga bakuna at iba pang gamot na dumadaan sa testing laban sa COVID-19.
“Sinisigurado ko po sa inyo Mr. Secretary next year the same date, August 2021, magkakaroon naman po tayo ng imbestigasyon dito sa Senado ang pag-uusapan natin bakit ito ‘yung vaccine na
napili at sino ‘yung nabigyan ng vaccine,” sabi pa ni Tolentino. (NOEL ABUEL)
