HINILING ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian sa pamahalaan na itodo ang pamuhunan sa sektor ng edukasyon na lubhang sinalanta ng corona virus 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na bumagsak ang sektor ng edukasyon ng 12.2 porsiyento alinsunod sa pagtataya ng Philippine Statistics Authority (PSA) kaya nararapat lamang dagdagan
ang pondong inilalaan dito.
Ayon kay Gatchalian, makikita sa pribadong paaralan ang matinding epekto ng pandemya sa sektor ng edukasyon.
“Based on the Department of Education (DepEd) data as of August 11, 1,554,482 learners are enrolled in private schools, only 36.1 percent of 4,304,676 private school learners enrolled for SY
2019-2020,” ayon kay Gatchalian.
Sinabi pa ng mambabatas na kawalan ng trabaho at alalahanin sa kalusugan at kaligtasan ng bata ang pangunahing dahilan kung bakit bumagsak ang private school enrollment na umabot sa
323,524 learners ang lumipat sa public school mula private institutions at non-DepEd schools tulad ng local at state universities and colleges (SUCs at LUCs).
Inihalimbawa rin ng mambabatas ang survey na isinagawa ng National Economic Development Authority (NEDA) at Department of Finance (DOF) sa micro, small, and medium enterprises na
nagsasabing pinakamatinding dinagukan sa revenue loss ang education sector na umabot sa 76.8 porsiyento ang pagkalugi.
Aniya, kahit umabot sa P692 bilyon ang inilaan sa sektor ng edukasyon na pinakamataas sa 2020 budget, hindi pa rin ito tumutugon sa pamantayan ng United Nations na dapat ilaan ang anim na
porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) dito.
Noong nakaraang taon, sa ginanap na budget hearing sa Senado, umabot lamang sa 3.4% ng GDP ang ginastos ng edukasyon sa bansa.
Sinabi ni Gatchalian na magkakaroon ng madaliang tulong ang pagsasabatas ng Bayanihan to Recover As One Act (Senate Bill No. 1564) or Bayanihan 2.0 sa mag-aaral, guro, at tauhan na
lubhang naapektuhan sa pribadong paaralan.
Iginiit pa ni Gatchalian na kailangan tiyakin sa 2021 national budget na magkaroon ng sapat na alokasyon ang sektor ng edukasyon upang mapanatili ang pagbabangon nito kabilang ang subsidy
program ng pamahalaan sa Senior High School Voucher Program (SHS VP) at Education Service Contracting (ESC) upang hindi mabawasan ang bilang ng benepisaryo nito. (ESTONG REYES)
