(NI BERNARD TAGUINOD)
MALILIBRE na sa travel tax ang mga kaanak ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kapag tuluyang naipasa ang panukalang ito na karagdagang benepisyo ng mga tinaguriang “Bagong Bayani”.
Ito ay matapos aprubahan sa House committee on overseas workers affairs ang nasabing panukala na inakda ni Quirino Rep. Dakila Carlo Cua.
Sa ilalim ng House Bill 6138 o Travel Tax Exemption, hindi na sisingilin ng buwis ang mga dependent ng mga OFWs kapag bumiyahe ang mga ito, hindi lamang sa iba’t ibang panig ng Pilipinas kundi sa mga foreign countries.
Sa kasalukuyang ay nagbabayad ang mga biyahero ng $12 o P504 na travel tax sa mga paliparan sa bansa kapag lumalabas ang mga ito ng bansa habang P250 naman sa domestic flight.
Bagama’t libre na ang mga OFWs sa travel tax, ay nais ng mga mambabatas sa Kamara na makinabang din dito ang kanilang mga kaanak kaya isinulong ang nasabing panukala.
Isinasama na ang singiling ito sa ticket na binibili ng mga pasahero sa mga airline companies.
Layon ng panukalang ito na bigyan ng karagdagang pagkilala ang mga OFWs dahil sa kanilang sakripisyo at tulong na ibinibigay sa bansa dahil isa sila sa mga bumubuhay sa ating ekonomiya.
Noong 2017, umaabot sa $31 Billion ang remittances ng mga OFWs na nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo kaya sumisigla umano ang ekonomiya ng Pilipinas.
227