SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA
GAYA ng kantang “Like Old Man River,” ang Pilipino Olympic qualifier sa boksing na si Eumir Marcial ay “rolling”, sa wakas!
Matatandaan na makaraan ang ilang buwan mula nang siya’y makapasok sa Tokyo Games na gaganapin sana sa taong ito pero ipinagpaliban sa 2021, ang 24-anyos na middleweight ay humiling na makapag-ensayo para maisakatuparan ang hangad niyang mabigyan ang Pilipinas ng kauna-unahang Olympic gold medal.
Unang lumahok ang bansa sa Olimpiyada noong 1924 nang ipadala natin sa Paris ang sprinter na si David Nepomuceno. Mula noon, o 96 taon na ang nakalilipas, 10 medalya pa lamang ang naiuwi ng ating mga atleta – 3 medalyang pilak at 7 medalyang tanso. Wala pa ni isang ginto.
Ang matagal nang panalangin ni Marcial na makapag-ensasyo ay nabigyan ng katuparan. Dalawang linggo na ang nakalilipas nang winasak niya ang heavy bag, double end ball at speed ball sa kanyang tahanan sa Imus , Cavite. Dito niya ipinagpatuloy ang kanyang paghahanda, sa tulong ng kanyang mga coach na sina Ronald Chavez at Roel Velasco sa pamamagitan ng online training format.
Ang matagal na niyang hinihinging punching bag, glab at iba pang gamit ay naibigay na rin ng Association of Boxing Alliances of the Philippines.
“Not the real training yet, it’s still inadequate,” pagtatapat ni coach Chavez at assistant nitong si Roel Velasco sa SAKSI Ngayon. “Online training pa lang ang ginagawa namin kasi pare-pareho pa kaming hindi makalabas gawa ng mahigpit na quarantine protocol dala ng COVID-19 pandemic.”
“But at least enough to eradicate the excess fat na nakuha ni Eumir in months of inactivity,” ani Chavez, na gaya ni Velasco ay nagdala ng bandila ng Pilipinas noong 1992 Barcelona Olympics kung saan ay nakasungkit ang huli ng bronze medal.
“Besides eradicating the extra fat, the process would also dispense with the rustiness he suffered, while not doing anything in relation to boxing,” singit naman ni Velasco, nakatatandang kapatid ni 1996 silver medalist Mansueto “Onyok” Velasco.
Ang iba pang magtatagkang makasama sa Tokyo, tulad nina light-flyweight Carlo Paalam, fyweight Roden Ladon, bantamweight Ian Clark Bautista, at bumabalik na si lightweight Charlie Suarez ay nasa kanya-kanyang probinsya kung saan sila ay nagsisipag-ensayo din via online at minomonitor ng coaching staff.
“Tuloy-tuloy din ang training nila through zoom and we are monitoring their preparation,” ani Chavez.
Ganoon din ang isa pang female Olympic qualifier, si flyweight Irish Magno, na ayon kay women’s coach Boy Velasco ay nasa Iloilo at minomonitor ng coaching staff ang pag-eensayo.
At maging si reigning AIBA world featherweight titlist Nesthy Petecio, at lightweight Rizza Pasuit, na kapwa naglalayong makasama rin sa Tokyo.
Sabi ni coach Boy, nakatatanda sa Velasco boxing brothers, malaki ang tiwala niyang makapapasok si Petecio, na aniya’y minalas lamang noong Olympic qualifier sa Jordan noong Marso.
“Medyo minalas lang si Nesthy noon. But she will still be the top-seed sa susunod na qualifier in May next year. World champion siya eh,” pagtitiyak ni coach Boy.
139
