JEEPNEY PHASE OUT WALA SA BAYANIHAN 2

MAKAHIHINGA na nang maluwag mga jeepney driver dahil tiniyak sa inaprubahang Bayanihan to Recover as One bill na walang mangyayaring phase-out sa kanilang sektor.

Ito ang nilinaw ni House Committee on Economic Affairs chairperson Rep. Sharon Garin na kabilang sa mga kinatawan ng Kamara sa Bicameral conference committee sa Bayanihan 2 na pinondohan ng P166.5 bilyon.

“To quell the fears of jeepney operators and drivers, it is specified in the bill that no phase-out of any modality of public utility vehicles, both at the national and local level, shall take place as the industry transitions to a new normal,” pahayag ni Garin.

Nangangahulugan na kahit ang mga lumang pampasaherong jeep na unang napabalitang aalisin na sa mga lansangan ay papayagang bumiyahe bilang ayuda sa ekonomiya.

Magugunita na mula noong isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila noong Marso dahil sa pandemya sa COVID-19, hindi na pinayagan ang mga jeepney driver na bumiyahe.

Lalong natakot ang mga ito dahil noong ibaba sa general community quarantine (GCQ) ang ECQ ay tanging ang mga maayos na yunit ang pinayagang mamasada habang ang mga luma ay nanatiling nakagarahe.

Subalit ayon kay Garin, walang mangyayaring phase out at sa halip ay naglaan ang Kongreso ng P9,500,000,000 para pondohan ang 20 programa ng Department of Transportation (DOTr) na kinabibilangan ng tulong pinansyal sa mga naapektuhang tsuper at operators. (BERNARD TAGUINOD)

211

Related posts

Leave a Comment