INIHAYAG ni Senador Richard Gordon na inaprubahan ng Kongreso sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na magkasamang magtayo ng National Referral System para sa corona virus 2019 (COVID-19) ang Philippine Red Cross (PRC) at Department of Health (DOH).
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Gordon, chairman at CEO ng PRC na malaki ang maitutulong ng sistema upang makabangon ang Pilipinas sa masamang epekto ng COVID-19.
Tulad ng nakatala sa panukala, mabibigyan ng sistema ang pasyente sa mabilis at episyenteng pamamaraan na hanapin at makakuha ng serbisyo ng pagamutan, klinika, isolation center at iba pang health facilities, blood banks, convalescent plasma facilities at ambulance systems.
“Kalimitan, hindi alam ng mga tao ang gagawin kapag nagka-COVID o nagkaroon ng problema sa kanilang katawan. Kailangan mayroon tayong referral service para may matatawagan ang tao at may magsasabi kung ano ang dapat gawin, at saang isolation facility o ospital dapat dalhin. Right now, hindi masyadong formalized iyong referral system. I congratulate the Senate and the House for putting this amendment by this representation on the bill,” ayon kay Gordon.
Iginiit din ni Gordon na sinoman mapatunayang nag-discriminate sa kumpirmado at suspected COVID-19 patients ay parurusahan.
Alinsunod sa amendments ni Gordon, “any person found to have committed any act or series of acts against a person declared confirmed, suspected, probable, exposed, or recovered of the COVID-19 virus, returning OFWs, health workers, frontliners, other service workers, or indigent shall be penalized with imprisonment of six months and a fine of P100,000.”
Naunang ipinanukala ni Gordon na biyayaan ng P1 milyon ang pamilya ng isang public at private health workers na namatay sa virus habang nagtatrabaho at P100,000 naman ang ibibigay sa health works na lubhang naapektuhan ng sakit. (ESTONG REYES)
