OPERATION HANAP-COVID SINIMULAN SA CALABARZON

SINIMULAN na ng Department of Health (DOH)-CALABARZON (Cavite Laguna Batangas Rizal Quezon) ang paghahanap sa mga barangay na kumpirmadong may mataas na aktibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon, sa pamamagitan ng estratehiyang bara-barangay.

Ayon kay Regional Director Eduardo Janairo, tinawag niya itong “Coordinated Operations to Defeat Epidemic” o CODE COVID-19, na ang bawat barangay ay mahigpit na susubaybayan at titiyakin ang pag-access sa mga isolation facility  kasama ang birthing facility, laboratory at dialysis center.

Ang bilang ng mga mangagagawa sa bawat barangay ay isasaalang-alang din gayundin ang pagkakaroon ng Barangay Health Emergency  Response Team (BHERT) at mga tauhan ng Philippine National Police.

Ang CODE strategy ay ang mahigpit na pakikipag-ugnayan ng mga kinatawan ng DOH, local government units, mga komunidad upang matiyak na maayos na nakahanda sa pagbabalik sa general community quarantine o GCQ.

“Dito ay magfo-focus tayo sa barangay level and we will address it through a more stringent enforcement of health protocols including localized lockdowns, curfews, staying at home and lesser social interactions to prevent the spread and transmission of the virus.” ayon kay Janairo.

Dagdag pa nito, ‘pag ang estratehiyang ito ay naipatupad na at nalaman kung sino ang mga nagpositibo ay saka sisimulan ang massive swab testing.

“Once these are all in place, we will begin the massive swab testing immediately sa identified barangays. Magkakaroon tayo ng active case finding at magha-house-to-house tayo to check kung mayroong mga taong may COVID symptoms sa kanilang mga bahay. Kapag mayroong nagpositibo na miyembro ng isang pamilya ay kailangang i-lockdown ang bahay at walang palalabasin upang hindi makahawa pa ng iba.  We will isolate residence who are positive with COVID-19 including their close contacts,” pahayag ni Janairo.

Dagdag ni Janairo, libre ang swab testing sa mga residente ng matutukoy na mga barangay.

Noong Huwebes, nakapagtala ng 15,292 COVID-19 cases sa CALABARZON at 10,086 active cases. Mayroon namang 4,789 recoveries at 420 deaths ang iniulat. (SIGFRED ADSUARA)

120

Related posts

Leave a Comment