INATASAN ni Assistant Majority Leader at Quezon City Rep Precious Hipolito-Castelo ang Department of Trade and Industry (DTI) na i-regulate ang presyo ng mga therapeutic drugs para sa COVID-19 kasunod na rin ng ulat na tumaas ang halaga nito ng halos 12 beses.
Ayon kay Castelo, dapat nang manghimasok ang Department of Health (DOH) at DTI para pababain ang presyo ng mga gamot na inirereseta ng mga doctor sa mga pasyenteng nagpapagaling mula sa sakit na coronavirus disease.
Nabatid na ilan sa mga gamot laban sa covid ay umaabot hanggang 60,000 bawat session at hindi lamang isa ang kakailanganin kundi hanggang 4 cycles.
Kabilang sa mga gamot na inirereseta ng mga doctor sa kanilang COVID-19 patients ay remdesivir, hydroxychloroquine, dexamethasone at ivermectin.
Pinatitiyak din ni Castelo sa DOH, DTI at sa iba pang kaukulang ahensya na walang importer, manufacturer, distributor, reseller, trader, government o private entity na magho-hoard ng therapeutic drugs para sa COVID-19 na magiging dahilan para magkulang ang supply nito na lalong magpapamahal sa presyo nito. (ABBY MENDOZA)
229
