BINUBUO na ang panukalang batas na magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para ireporma ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ang kinumpirma ni House committee on public accounts chairman Rep. Mike Defensor ng Anakalusugan party-list, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa katiwalian sa PhilHealth kahapon, Miyerkoles.
“The committee is inclined and we are discussing about the emergency powers to be granted to the
President,” pahayag ni Defensor.
Hindi idinetalye ni Defensor ang emergency power na ibibigay ng mga ito kay Duterte subalit base sa mga ganitong dagdag na kapangyarihan ay maaaring tanggalin ng Pangulo ang lahat ng opisyales ng ahensya.
“Power to reorganize is critical. Also to hire personnel and/or third party providers for audit, legal, public health and finance. It will be limited like all emergency powers,” paliwanag ni Defensor.
Sa ngayon ay protektado ng Civil Service Law ang mga organic employee at officials ng PhilHealth kaya hindi maaaring basta-basta tanggalin ang mga ito maliban lamang kung ipag-utos ng korte.
Gayunpaman, sa ilalim ng emergency powers, maaaring alisin ng Pangulo ang lahat ng mga opisyal ng PhilHealth.
Agad naman sinuportahan ng Department of Justice (DOJ) ang plano ng komite ni Defensor upangmabilis na mareporma ang PhilHealth.
Ayon kay DOJ Undersecretary Adrian Ferdinand Sugay, handang makipagtulungan ang Task Force na pinabuo ni Pangulong Duterte para imbestigahan ang katiwalian sa PhilHealth.
Maging sa pagbuo ng batas na magbibigay ng emergency powers kay Duterte ay handa ang task force na tumulong matapos silang imbitahan ni Defensor na sumali sa paggawa [ng batas].
“Opo. Maganda po ang inyong panukala na bigyan po ng karagdagang kapangyarihan si Pangulong Duterte para mas maging mabilis ang reporma sa PhilHealth,” ayon naman kay Health Secretary Francisco Duque III nang tanungin ni Defensor ukol sa kanilang plano.
TIWALA Kaugnay nito, patuloy na nagtitiwala si Pangulong Duterte kay Duque.
Ito’y sa kabila na inirekomenda ng mga senador ang paghahain ng criminal charges laban kay Sec. Duque dahil sa diumano’y anomalya sa state health insurer.
Araw ng Martes nang irekomenda ng mga Senador ang pagsasampa ng graft and malversation charges laban sa Kalihim, resigned PhilHealth president Ricardo Morales, at iba pang executive officers ng insurance agency.
Sa kabila ng rekomendasyon, hihintayin pa rin ni Pangulong Duterte ang resulta ng multi-agency investigation sa alegasyon ng korapsyon sa state medical insurer bago pa siya magdesisyon sa kung ano ang magiging kapalaran ng mga opisyal na sangkot sa anomalya.
Matatandaang makailang ulit na ipinagtatanggol ni Pangulong Duterte si Duque mula sa mga kritiko nito. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
