SIGURADONG daraan sa evaluation ng Task Force PhilHealth ang kinalabasan ng ginawang pagsisiyasat ng Senado tungkol sa iregularidad sa ahensiya.
Ito ang pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque sa harap ng inilabas na findings ng mataas na kapulungan hinggil sa PhilHealth anomaly.
Aniya, welcome at kanilang nirerespeto ang konklusyon ng Senado kasunod ng ikinasa nitong imbestigasyon in aid of legislation.
Subalit ang hinihintay aniya nila sa ngayon ay ang ilalabas na report ng Task Force na una nang binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng 30 araw para tapusin ang pagsisiyasat.
Sa Setyembre 14 magtatapos ang imbestigasyon ng Task Force at sa loob ng buwang ito, ayon kay Roque ay nais ni Pangulong Duterte na makita ang findings ng body sa pangunguna ng DOJ.
Kaugnay nito, nakasalalay sa kalalabasan ng imbestigasyon ng Task Force kung dapat bang managot at makasuhan si Duque hinggil sa naungkat na anomalya sa ahensiya.
Aniya, kung lalabas na may pagkakatulad sa findings ng mataas na Kapulungan at ng Task Force, hayaan daw na maging gayun ang susunod na hakbang pero sa ngayon, ang mas maiging gawin ay hintayin ang report ng Task Force. (CHRISTIAN DALE)
72