SIGURO talagang walang magawang trabaho ang mga opisyales ng Movie Television Regulatory & Classification Board (MRTCB) kaya maging ang Netflix ay gusto nilang i-censor.
Naghahanap sila ng magagawa at dahil walang sila mai-censor ngayon dahil limitado ang ginagawang pelikula at iilan lang ang teleseryeng inilalabas ng mga local networks.
Nauumay na siguro sila sa mga teleserye na masyadong pinatatagal ng mga local network sa ere at pilit na isinusubo sa mga Filipino kaya gusto nilang pakialaman ang produkto ng ibang bansa.
Kung walang magawa ang MTRCB officials, bakit hindi na lang sila mag-resign para hindi sila ma-burnout sa kanilang trabaho. Ang hirap naman na pinapasuweldo kayo ng mamamayan pero wala naman kayong ginagawa.
Alam ng mga taga-MTRCB na wala sa kanilang hurisdiksyon ang mga ini-streamline na pelikula at wala silang pondo para gawin yan pero gustong magpasikat kaya ayan, binakbakan tuloy kayo.
Paano kung i-pullout na lang ng mga kumpanyang nagi-streamline ang kanilang produkto dahil gusto niyang pakialaman may magagawa ba kayo? Ano ang kabutihan na nagawa nyo sa mga Filipino kung sakali?
Sasabihin nyong pagtiisan na lamang namin ang mga walang wenta na palabas sa lokal na industrya at bumalik na lamang tayo sa mga pirated DVD? Naman!!!!.
Wala rin sa timing ang pagpapasikat ng MTRCB dahil panahon ng budget deliberation kaya tiyak kukuyugin sila pagdating nila sa Kongreso at baka bigyan ulit sila ng zero budget.
Ilan beses nang binigyan ng zero budget ang MTRCB sa mga nagdaang panahon pero hindi pa rin sila nadadala. May nagmamakaaawa lang kaya nire-restore ang kanilang napakaliit na pondo.
Hindi na ako magtataka bakit 3rd class citizen kung baga ang turing ng Kongreso sa MTRCB dahil sa ganitong pag-iisip ng mga opisyales ng ahensyang ito dahil ang tagal-tagal na nila sa burukrasya ay hindi pa umaasenso ang industriya ng pelikulang Pilipino.
Parang wala tayong naririnig na tulong ng ahensyang ito para mapaunlad ang industriyang ito at makasabay man lamang tayo sa ibang bansa na humahakot ng pera sa industriyang ito.
Ang Korea magagaling gumawa ng K-Drama at hindi nakakaumay dahil kung sinabi nilang 3 buwan lang magra-run ang teleserye ay 3 buwan lang talaga, Dito sa atin, nakalbo na yung sumubaybay at tumanda na yung bida, ayaw pa rin alisin sa ere.
Bakit hindi magkusa ang MTRCB na tumulong sa industriyang ito imbes na gawin ang mga bagay na imposibleng maipatupad? Baka pag nangyari yan magiging galante ang Kongreso sa inyo.
Saka napapansin ko ha wala pa yatang pinaparusahan ang MTRCB na mga local artist na lumabag sa kanilang panuntunan sa mga nagdaang mga panahon kahit maraming paglabag ang nakikita natin lalo na dun sa mga nawalang noontime show na minemenos at ginagawang katatawanan ang kanilang studio audience.
Naparusahan ba ang host ng noontime show? Mukhang wala tayong narinig gayung ang trabaho ng MTRCB ay proteksyunan din ang mga viewer/audience. Wala di ba?
153
