HAMON ngayon ng netizens sa bagong talagang si Philippine National Police Chief Lt. General Camilo Cascolan na gamitin ang social media sa mga tiwaling pulis at government officials.
Sabi pa nila kung gagamitin ng PNP ang social media laban sa mga lumalabag sa health protocols, bakit hindi rin gamitin ito sa mga kagawad ng pulisya at opisyal ng gobyerno na lumalabag sa batas?
Ayon pa sa netizens pag nagawa raw ni Cascolan ito sa loob ng maigsi niyang panunungkulan ay maitatatak sa kasaysayan ng pulisya na siya ang pinakamagaling na naging hepe nito.
Si Lt General Camilo Cascolan ay nagsimulang umupo bilang hepe ng pambansang pulisya nitong nakaraang Setyembre 2, 2020 bilang kapalit ng nagretirong si Gen. Archie Gamboa ng nasabi ring petsa.
Magtatapos ang kanyang panunungkulan sa pinakamataas na posisyon sa hanay ng pulisya sa Nobyembre 10, 2020.
Kapag nalinis niya sa loob ng dalawang buwan na panunungkulan ang PNP laban sa mga bulok na miyembro nito gamit ang social media ay tiyak na hindi siya makakalimutan ng taumbayan.
Marami kasi dati ang nagsabi na dapat daw sinimulan ang kampanya laban sa illegal drugs sa hanay mismo ng pulisya.
Isunod naman ang mga nasasangkot sa illegal drugs sa hanay naman ng mga government official.
Hindi naman kasi lalala ang problemang ito kung wala silang mga protektor na nasa awtoridad o nasa gobyerno.
Naiwasan sana ang pagkamatay ng maraming ordinaryong mamamayan.
Kung mawawala ang protektor ng illegal na ito sa gobyerno at sa awtoridad ay mawawalan ng lakas ng loob ang sindikato na mag-operate sa Pilipinas.
Pero hangga’t nakikipagsabwatan ang mga tiwaling pulis at mga nasa gobyerno ay dadami lang ang mapapatay mula sa mga ordinaryong tao pero hindi pa rin ito matitigil.
Hangga’t hindi napuputol ang pinagmumulan nitong illegal drugs ay hindi matitigil ang pag-agos nito sa kanilang mga tagabenta na ordinaryong tao.
Kaya dapat gamitin na rin ni Cascolan ang social media laban sa mga tiwaling pulis at mga nasa gobyerno na nagpapagamit sa sindikato ng ilegal na droga.
Dapat palakasin na rin ng PNP ang kanilang Maritime Group at pakikipag-ugnayan sa lahat ng law enforcement agencies tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation at iba pa.
Imbes na makipagbangayan kayo sa militar at iba pang law enforcement agencies tulad nang nangyaring pamamaril sa 4 army intel member sa Mindanao ay magkaroon kayo ng magandang samahan o koordinasyon sa paglaban sa lahat ng illegal na gawain.
May suhestiyon din ang PUNA kay PNP Chief Cascolan na pasubaybayan niya ang galaw ng mga pulis na nasibak na sa puwesto dahil sa mga ilegal na aktibidad.
Nun ngang aktibo pa sila sa PNP ay pinasok nila ang ilegal mas lalo pa ngayon na wala na sila sa serbsiyo na may iniingatan pa silang pangalan.
Silipin din niya ang mga opisyal ng PNP na nasa likod ng tinatawag na 15/30 scheme. Sila ang nakikipagsabwatan sa mga pulis na hindi nagduduty pero nakalagay pa ring aktibo sila sa serbisyo at sumasahod.
Marami ang gumagawa nito na nasa PNP na nag-abroad na o kaya ay may pinagkakaabalahang iba pero sa master list ng PNP ay aktibo pa rin at naka-duty.
Kung magagawa ito ni Gen. Cascolan makakasiguro po kayo na maibabalik ang tiwala ng taumbayan sa inyong hanay (PNP).
Hindi natin maiwasan na magdududa pa rin ngayon na magtiwala ang taumbayan sa PNP dahil marami pa rin ang nasasangkot sa ilegal na gawain.
Ginawa na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nararapat na kanyang tulong sa hanay ng pulisya nang paatasin ang inyong mga suweldo.
Hindi naging madamot sa inyo ang Pangulong Duterte. Ginawa na niya ang kanyang papel para pataasin ang inyong mga suweldo, sana tumbasan nyo naman ng tapat na serbisyo.
Ganun pa man, at least ngayon may inaasahan ang taumbayan na posibleng may pagbabago sa hanay ng pulisya.
-oOo-
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
197
