4 TULAK HULI, 12-ANYOS NASAGIP SA DROGA

NADAKIP ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Novaliches Police Station 4 ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na kalalakihang tulak umano ng ilegal na droga, habang nailigtas naman ang isang 12-anyos na batang lalaki sa pagkalulong sa bisyo, sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Kinilala ni QCPD director, P/BGen. Ronnie S. Montejo, ang mga suspek na sina Joselito Natan, 44- anyos, at Jeffreson Gacula, 31-anyos, pawang ng Brgy. Nagkaisang Nayon.

Dakong ala-1:15 ng madaling-araw noong Setyembre 17 nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad sa #72 Pulong Gubat, Sitio Damong Maliit, Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches.

Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis sa umano’y ilegal na aktibidad ng mga suspek kung kaya’t agad sila naglatag ng buy-bust operation naging dahilan ng pagkakaaresto sa mga ito.

Nakumpiska sa mga suspek ang 20 gramo ng umano’y shabu na P136,000 ang halaga, buy-bust money at isang cellphone.

Samantala, nauna rito, isa pang buy-bust operation ang inilatag ng mga pulis laban sa dalawa pang lalaki sa harapan ng Caltex Gasoline Station sa Quirino Highway, Brgy. Gulod, Novaliches noong Setyembre 16.

Nadakip sa nasabing operasyon sina Jomar Dytang, 23-anyos, ng Brgy. Nova Proper, at Racky Francis, 25, ng Brgy. Gulod.

Nakumpiska mula sa kanila ang umano’y shabu na tinatayaNG P20,400 ang halaga, buy-bust money at isang at isang cellular phone.

Kasabay nito, na-rescue naman ang isang 12-anyos na batang lalaki kasunod ng buy-bust operation laban sa isang nagngangalang Sitieh Hafedah, nasa 25-30 anyos ng Caloocan City, na nakatakas matapos matunugan ang presensiya ng mga pulis.

Ang nasabing buy-bust operation ng mga tauhan ng Novaliches Police Station 4, ay isinagawa dakong alas-9:15 ng gabi noong Setyembre 16 sa harap ng Hotel Mokko sa Quirino Highway. Brgy. Sta. Monica, Novaliches.

Nakumpiska ang 25 gramo ng shabu na tinatayang P170,000 ang halaga at nasagip ang nasabing menor de edad.

Ang mga suspek ay kinasuhan ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang ang menor de edad ay dinala na sa Quezon City Social Services Development Department. (JOEL O. AMONGO)

204

Related posts

Leave a Comment