“COACHES are hired to be fired.”
Noong unang panahon ang mga katagang ito ay itinuturing lamang na salawikain. Malimit na binibigkas ng pabiro o hindi dapat sundin…Hindi batas!
Sa pagkalat ng mga ligang propesyonal sa Estados Unidos, Europa, Asya at maging sa Pilipinas, ang kawikaang ito ay naging batas, bagamat di nasusulat. Kalakarang sinusunod ng lahat ng koponan, kabilang ang Philippine Basketball Association (PBA).
Maraming dahilan kung bakit nangyayari ito sa panahong ito.
Noong araw, ang isang tao ay nagiging coach dahil kaibigan siya ng may-ari ng unibersidad o kolehiyo. Kaibigan ng may-ari ng kumpanyang may koponang kalahok sa ligang pang-amatyur. Ibig sabihin, nagiging coach lamang dahil sa samahan.
Ngayon, ang coach ay kailangan na may kontrata. Kasunduan na ayon sa iba ay cash-sunduan na nangangahulugan ng malaking suweldo
at iba pang allowance at grasya na umaabot sa daan-daang libo o milyon pa. At dahil malalaki ang bayad, ang itinatagal ng coach sa koponan ay depende sa kagustuhan ng may-ari.
Yung iba ay iginagalang ang kontrata at binabayaran ang natitirang panahon na napagkasuduan. Yung iba ay ‘di gaanong masuwerte, hindi na nababayaran. At ito ang nangyari kay coach Louie Alas na kamakailan lamang ay sinipa ng Phoenix Fuel Masters ng walang kadahilanan.
Pangyayaring muling nagpaalala sa kolumnistang ito sa napakagandang relasyon ng tambalang Danny Floro-Baby Dalupan bilang team manager-coach ng maalamat na Crispa Redmanizers.
Sa isang eksklusibong panayam kay Boss Danny matapos na ang Redmanizers ay manalo ng kauna-unahang Grand Slam sa PBA noong 1976, naitanong ng inyong lingkod kung ano ang sikreto ng tagumpay ng kanilang tambalan ni coach Baby. Nagkatabi kami sa eroplano patungong US of A. Suwerteng napasama ako bilang kaisa-isang reporter sa biyaheng gantimpala ng Crispa management sa lahat ng miyembro ng Redmanizers sa pagkapanalo nila ng Grand Slam.
Wala namang sikreto sa mga panalo nila sa lahat halos ng torneong nilahukan nila, mula amatyur hanggang pro, wika ni Boss Danny sa akin. “Maliban sa aming samahan, si Baby ang nagdidisiplina sa mga manlalaro, at ako ang nag-i-ispoil sa kanila,” pabirong dagdag niya. Ang pinakamalaking bentahe ng pagsasama nila ni Baby mula noong 1962, ayon sa kaniya, walang kontratang namagitan sa kanila.
“Sa kulang-kulang na 20 taong pagsasama namin hanggang sa panahong ito, ni hindi pumirma ng kasunduan si Baby sa amin,” mariing patutoo ni Boss Danny.
Tiwala sa isa’t isa ang naging batayan ng kanilang pagsamama. Tiwala siya at ang kanyang pamilya na hindi magiging pabaya si Baby sa kanyang tungkulin sa koponan na bigyan ito ng kampeonato. At tiwala naman si Baby na hindi siya pababayaan ng kumpanya, na ibibigay sa kanya ang karampatang mga pangangailangan niya bilang coach.
“Isa pang dahilan, wala kaming napagkasunduan kung kailan niya kami mabibigyan ng korona,” wika pa ni Boss Danny.
Hindi naging mainipin ang management. Katunayan, mula noong 1962, kung kailan nagsimula si Baby na maglingkod, kinailangan pa ang w
along taon bago nakatikim ng kampeonato ang Redmanizers. Noong 1970, nang mapagwagihan ng team ang titulo sa National Seniors, nagsimula ang dominasyon ng Crispa at lahat ng titulong dapat mapanalunan noong era na iyon ay kanilang inangkin.
Pero para kay Baby at Boss Danny, ang pinakamalaking tagumpay na natamo ng Crispa ay ang kauna-unahang Grand Slam noong 1976 na naging daan sa makasaysayang rivalry ng Redmanizers at Toyota Tamaraws noong ang PBA ay sanggol pa lamang.
Ang isa pang sikretong binanggit ni Boss Danny sa tambalan nila ni Baby ay ang disiplinang ipinatupad ng coach sa nasabing koponan.
Tatalakayin ko ‘yan sa susunod na kolum.
138
