PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
PINANGUNAHAN ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso noong Martes, Pebrero 24, ang groundbreaking ceremony para sa Binondominium 2 sa San Nicolas, na siyang ikaanim na vertical housing project ng lungsod sa ilalim ng kanyang pamumuno, nangakong tuloy-tuloy ang pabahay para sa maralitang taga-Maynila.
Itatayo ang bagong gusali sa 405-square-meter na lote na may kabuuang floor area na 6,277.5 metro kuwadrado. Magkakaroon ito ng 98 residential units na may sukat na tig-40 metro kuwadrado bawat isa. Bawat unit ay may dalawang silid-tulugan, palikuran at banyo, kusina, dining area, at sala.
Maglalaman din ang gusali ng dalawang elevator, isang opisina, daycare center, multi-purpose hall, roof deck, at iba pang pangunahing pasilidad na tutugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga benepisyaryong pamilya.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Domagoso ang kanyang kabataan sa
Tondo at ang sunod-sunod na relokasyong pinagdaanan ng kanilang pamilya dahil sa kahirapan at demolisyon, at sinabing personal sa kanya ang proyektong ito.
Ikinuwento ng alkalde kung paano sila napalayas sa inuupahang bahay nang hindi na nila kayang bayaran ang renta.
“Ang mahirap sa pagiging iskwater, galing ka sa eskwelahan pag-uwi mo, hindi ka sigurado kung ‘yung bahay mo nakatusok pa,” aniya.
Ipinaalala rin ni Domagoso ang kanyang pangakong pabahay noong 2019 campaign, at sinabing bagama’t naantala ng pandemya ang ilang bahagi ng plano, hindi nito napigilan ang pagpapatayo ng unang gusali.
Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng paglalaan ng lungsod ng daan-daang milyong piso para sa pampublikong pabahay.
Binigyang-banggit niya ang pahayag ni dating Pangulong Ramon Magsaysay: “Those who have less in life must have more in law.”
Hinimok ng alkalde ang mga magiging benepisyaryo na pangalagaan ang gusali kapag ito ay natapos na, at iginiit na ang maayos na pabahay ay dapat samahan ng disiplina at pananagutan sa komunidad.
Tiniyak din ni Domagoso na magpapatuloy ang pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod sa pambansang pamahalaan sa malalaking proyekto, kabilang ang pagtatayo ng bagong gusali para sa Allied Health Sciences ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at ang planong pagbili ng lupa para sa isang bagong ospital sa Tondo.
“Ang Maynila ay mananatiling mamumuhunan sa MBN: Minimum Basic Needs—housing, education, healthcare, and jobs,” aniya. “Ang gobyerno ay kayang pataasin ang antas ng pamumuhay ng kanyang mamamayan.”
***
Nitong nakaraang araw ay inihain na rin ni Yorme Isko kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang konseptwal na disenyo at tinatayang gastos para sa planong Intramuros Forest Park, isang proyekto na naglalayong gawing pampublikong open space ang kasalukuyang Intramuros Golf Course noong Lunes ng umaga, Pebrero 23.
Personal na iniabot ni Domagoso ang konseptwal na disenyo kay Executive Secretary Ralph Recto sa isang pagpupulong sa Malacañang.
Sa kanyang liham na nakatuon sa Pangulo at may petsang Pebrero 23, binigyang-diin ni Domagoso na ang proyekto, na bahagi ng Legacy Projects ng Pangulo, ay naglalayong mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga residente ng Maynila.
“Kasunod ng aking naunang pakikipag-usap sa Inyong Kagalang-galang, noong aming pagpupulong noong Oktubre 17, 2025, at sa aking liham noong Oktubre 14, 2025, hinggil sa aking mungkahi na gawing Intramuros Forest Park ang Intramuros Golf Course bilang bahagi ng Legacy Projects ng Pangulo na naglalayong itaas ang kalidad ng buhay ng mga residente ng kabisera, magalang kong isinusumite ang follow-through na ito para sa inyong konsiderasyon,” ani Domagoso.
“Kalakip dito ang ulat ng Asian Development Bank (ADB) tungkol sa konseptwal na disenyo at tinatayang gastos ng planong Intramuros Forest Park para sa inyong pagsusuri,” dagdag pa ni Mayor Isko.
Ang konseptwal na disenyo, na inihanda sa tulong ng Asian Development Bank at Arup, naglalahad ng kabuuang gastos na tinatayang P2.3 bilyon, na sumasaklaw sa pag-develop ng lugar, mga pasilidad ng parke, landscaping, at kaugnay na imprastruktura.
Kabilang sa mga pangunahing bahagi nito ang Riverfront Promenade, na nagtatampok ng pangunahing landscaped areas at isang Picnic at Waterfront Area na layong buhayin ang gilid ng Ilog Pasig na may pampublikong pasilidad.
Ang Campus Garden naman ay may pangunahing berdeng lugar, Outdoor Theater, F&B Area para sa mga kiosko at upuan, at Playground ng mga Bata, na naglilikha ng mixed-use civic space para sa libangan, pagtatanghal, at aktibidad ng pamilya.
Dinisenyo ang Gateway Park bilang landscaped entry point, habang ang Urban Park ay pinagsasama ang Sports Area at Parking facilities, Lookout Area at Riverwalk, at Sports Area at Viewpoint upang pagsamahin ang open space sa aktibong libangan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
10
