HINDI PALA SILA KASAPI NG CPP

IPINAKITA ng mga kongresistang bahagi ng Makabayan Bloc sa mababang ­kapulungan ng Kongreso ang kapangyarihan ng mambabatas sa kasalukuyang sistema ng ating lipunan.

Ipinakita ng pangkat ni ­Bayan Muna Rep. Isagani Zarate na puwede nilang komprontahin at sitahin ang opisyal ng pamahalaan tulad ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) ­Undersecretary Lorraine Marie Badoy sa ginawa nitong “red-tagging” laban sa mga kongresistang “leftist,” o Makabayan Bloc.

Ginamit ng mga kaliwang mambabatas ang pagdinig sa Committee on Appropriations bilang ‘oportunidad’ para batikusin nang batikusin si Badoy sa ginawa nito dati laban sa mga kaliwang kongresista.

Hindi makalimutan ng mga nasabing mambabatas ang akusasyon ni Badoy na sina Zarate, Gabriela Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Rep. France Castro, Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, Bayan Muna Rep. Ferdie Gaite at Kabataan party-list Rep. Sarah Jane Elago ay pawang “high-ranking members” ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Ang kasapi ng CPP ay lubos na naniniwalang kailangang isulong ang armadong pakikibaka mula kanayunan hanggang kalunsuran kung saan ‘matagalang digmaang bayan’ ang panahong dadaanan nito hanggang maitayo ang pamahalaang pamumunuan ng ilang beteranong kadre ng CPP.

Binatikos ng mga kongresistang bahagi ng Makabayan Bloc si Badoy dahil hindi umano totoong high-ranking members sila ng teroristang grupo.

Sila raw ay inihalal ng mga botante bilang kinatawan ng iba’t ibang marginalized sectors sa bansa.

Tapos nilang birahin si Badoy, ‘inipit’ na nila ang pinaaaprubahang pondo ng PCOO sa Appropriations Committee.

Hindi ako nagulat at nagtaka sa nangyari dahil hindi naman ngayon lang naganap na gumanti ang ilang kongresista sa opisyal ng pamahalaan na mayroong atraso sa kanila.

Hindi lang ngayon naganap na ‘namersonal’ ang mga kongresista sa opisyal ng pamahalaan.

Matagal nang praktis sa Kongreso ang ganyan.

Ibig sabihin, kung ano ang ginagawa ng mga tradisyonal na politikong naging mambabatas ay ipinakita rin ng mga kaliwang mambabatas kay Badoy.

Kung mali ang akusasyon ni Badoy laban sa mga kaliwa, patunayan nilang totoong mali si Badoy, sa pamamagitan ng privilege speech na nagdedeklarang hindi sila kadre ng CPP.

Ideklara rin nilang wala silang posisyon, o gawaing ­ginagampanan, sa CPP.

Tapos, birahin at kondenahin nila ang CPP at ang armadong yunit nitong New People’s Army (NPA) at ang united front nitong National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Manawagan din sila sa lahat ng opisyal at kasapi ng CPP at NPA na itigil ang pagsusulong ng pambansa demokratikong, sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.

Palagay ko, sa ganitong ­paraan ay matatapos na rin ang red-tagging ni Badoy laban sa kanila.

Kung kasapi sila ng Liberal Party (LP), o kahit na nauugnay lang sa dilawang grupo, tiyak hindi aakusahan ni Badoy ang pangkat ni Zarate na mga kasapi ng CPP.

Kung may kuwestyon, o pagdududa, ang mga kaliwang kongresista sa hinihinging ­badyet ng PCOO, huwag ang ginawa ni Badoy ang pagdiskitahan nila.

Tanungin nila sina Badoy at ang pinuno mismo ng PCOO na si Secretary Martin Andanar hinggil sa ulat ng Commission on Audit (COA) tungkol sa kuwestyonableng pinagkagastusan ng P2,356,188.46 pondo ng PCOO.

Ayon sa ulat ng COA, ang P2,356,188.46 na ito ay nagastos sa mga pulong noong 2019 na inasikaso at inihanda ng Bureau of Broadcast Services (BBS) ng PCOO).

Ayon sa ulat ng COA, ang P1,830,720.52 sa nasabing P2,356,188.46 ay walang dokumentong magpapatunay na “opisyal” ang mga pulong na ginastusan.

Wala ring mga resibo, sales invoice at iba pang dokumentong magpapatunay na mahigit P2.35 milyon lahat ang nagastos sa mga pulong ng ahensiya.

Mas pasok at makabuluhang dito singilin ng mga kongresistang binubuo ng Maka­bayan Bloc dahil badyet ang paksa sa Kamara.

Singilin din ng pangkat ni Zarate ang sina Badoy at Andanar hinggil sa P4.33 milyong halaga ng 42 pirasong media equipment na ibinigay ng Embahada ng China sa bansa noong Marso 2019.
Ang nasabing mga ­kagamitan ay wala sa “book of accounts” ng PCOO, ayon sa COA.

Palagay ko, higit na wastong konprontahin ng mga kaliwang kongresista ang mga opisyal ng PCOO tungkol sa dalawang isyung nadiskubre ng COA kaysa red-tagging ni Badoy laban sa kanila dahil badyet ng PCOO ang paksa.
Pero, kung mas gusto ng mga mambabatas ng Makabayan Bloc ng mababaw na isyu, red-tagging ang talakayin ninyo sa pagdinig ukol sa badyet ng PCOO.

130

Related posts

Leave a Comment