1-METRONG DISTANSYA MANANATILI – MALAKANYANG

MANANATILI ang one-meter physical distancing sa pampublikong transportasyon.

Ito ang inanunsyo ni Presidential spokesperson Harry Roque matapos pag-aralan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang rekomendasyon ng parehong panig na dapat manatili na one-meter ang social distancing sa pampublikong transportation at ang mga nagsasabi na pupwede naman itong pababain basta nakasuot ng face mask, face shield, walang salitaan at walang kain at pag gamit ng mga sanitizer sa mga pambublikong transportasyon.

“Nagdesisyon na po ang Presidente kahapon. Ang desisyon po ng Presidente, mananatili po ang one-meter social distancing sa pampublikong transportasyon,” ayon kay Sec. Roque.

“Uulitin ko po ang desisyon ng ating Presidente ay panatilihin po muna ang one-meter social distancing sa mga pampublikong transportasyon na sasamahan din ng pagsuot ng mask, ng face shield, bawal po ang salita at bawal po ang pagkain at pagsa-sanitize po ng mga pampublikong transportasyon,” ang dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Nauna nang sinabi ni Sec. Roque na isinulong ni Transportation Sec. Arthur Tugade sa meeting ng Inter-Agency Task Force (IATF) na manatili sa “one meter rule” ang physical distancing habang wala pang desisyon ang Pangulo kung maaari na itong maibaba sa 0.75 metro na lamang.

Nagpasya ang DOTr na unti-unti nang magpatupad ng mas maliit na distansiya sa pagitan ng mga pasahero simula noong Setyembre 14 upang pataasin ang passenger capacity ng mga public utility vehicle (PUVs) kabilang ang apat na railway lines sa Metro Manila.

Pero tinutulan ito ng 17 Metro mayors at ilang medical experts dahil sa pangambang mas tumaas pa ang bilang ng magkakaroon ng COVID-19.

Nagkaroon din ng pagsalungat dito sina Health Secretary Francisco Duque III at DILG Secretary Eduardo Año. Idinepensa naman ni Tugade ang desisyon na bawasan ang social distancing sa public transport, at iginiit na ito’y produkto ng research at simulation ng Philippine National Railways (PNR). (CHRISTIAN DALE)

136

Related posts

Leave a Comment