4 PATAY SA CLAN WAR

NORTH COTABATO – Apat katao ang patay habang limang iba pa ang sugatan sa bakbakan ng magkalabang pamilya sa Pagalungan, Maguindanao noong Biyernes.

Alitan sa lupa at mga pananim ang dahilan umano ng rido o away ng pamilyang Impos at Magao sa Barangay Kalbugan, Pagalungan, alas-6:00 ng umaga.

Kinilala ang mga namatay na sina Amir Impos, Norodin Magao, Alex Galang at Robin Magao habang limang iba pa ang nasugatan sa insidente.

Sa report ng Maguindanao PNP, una umanong binaril at napatay ng mga miyembro ng pamilyang Magao si Amir Impos.

Agad namang gumanti ang mga Impos at sinalakay ang kalabang pamilya.

Dahil naman sa takot na maipit sa gulo ay agad na lumikas ang kanilang mga kapitbahay patungo sa mga ligtas na lugar.

Humupa lamang ang barilan ng magkabilang panig nang mamagitan ang mga opisyal ng bayan, Muslim elders at mga lider ng MILF at MNLF.

Nabatid na miyembro rin ng dalawang Moro Fronts ang mga sangkot sa sagupaan. (BONG PAULO)

251

Related posts

Leave a Comment