Sen. Bong Go, ikaw ba ‘to? NEXT PRES. ‘WAG PA-SELFIE-SELFIE LANG – ALVAREZ

MULING nagpasaring si dating House Speaker Panteleon Alvarez at ngayon ay tila si Senador Bong Go ang pinatutungkulan nito.

Ito ay matapos himukin ni Alvarez ang mga botante na huwag pumili ng kandidato na ‘pa-selfie-selfie’ lang dahil napakalaking problema ang mamanahin ng susunod na administrasyon.

Sa isang TV interview, muling iginiit ni Alvarez na kailangang may utak ang susunod na pangulo ng bansa upang maresolba nito ang mga mamanahing problema tulad ng ng pandemya sa COVID-19 na nagpabagsak sa ekonomiya ng bansa.

“Yung mamanahing problema ng susunod na pangulo napakalaki. Etong COVID-19 pandemic na ito wala pang kasiguraduhan nito…tatawid pa ito sa susunod na administrasyon dahil hanggang ngayon wala pang gamot,” ani Alvarez.

Bagsak din aniya sa 16% ang ekonomiya ng bansa at milyun-milyong Filipino, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Dahil dito, ngayon pa lamang aniya ay kailangang i-educate na ang mga Filipino na pumili ng kandidato na may utak at may kakayahang resolbahin ang problemang mamanahin nito.

“Ngayon pa lang let us educate the masses…the masang Pilipino. Ano ba dapat ang pipiliin nating president? Hindi yung pa-selfie-selfie lang, pa-post post sa Facebook para maging popular, hindi ganun,” ani Alvarez.

Nang tanungin kung ang tinutukoy nito ay ang isang opisyal ng gobyerno na mahilig mag-selfie na isa umano sa posibleng maging kandidato sa pagkapangulo sa 2022 ay itinanggi ito ni Alvarez.

Bagama’t hindi binanggit ng host ang pangalan ng taong malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ay tila si Sen. Bong Go ang tinutukoy nito dahil nakilala ang senador sa kanyang pa-selfie-selfie.
“Hindi, wala akong pinaparinggan. Wala akong pinatatamaan ng kung sinong tao,” ani Alvarez.

Si Alvarez ay kinudeta ilang oras bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Duterte noong 2018 matapos makaaway ang anak ng Pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. (BERNARD TAGUINOD)

111

Related posts

Leave a Comment