BI OFFICIALS, ‘DI PA LUSOT SA ‘PASTILLAS’ SCAM

HINDI tuluyang lusot ang mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na totoong kumita nang malaki mula sa mga dayuhang pumapasok sa bansa, gamit ang taktikang “pastillas” dahil muling magsasagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) hinggil dito.

Ang aksyon ng NBI ay batay sa panibagong direktiba ni Justice Secretary Menardo Guevarra makaraang pagkakitaan ng NBI legal officer ang mga kaso laban sa mga dayuhan at opisyal ng BI.

Kinasuhan ng NBI ang ilang kawani ng BI at mga dayuhan kaugnay sa anomalyang pastillas, ngunit hindi kasama rito ang mga opisyal ng BI na nakabase sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa diskarteng pastillas, nagbibigay umano ng P5,000, o higit pa, ang mga dayuhang pumapasok sa bansa, partikular ang mga Intsik, na kulang ang mga dokumento o walang dokumento.

Nagtaka ang pamunuan ng NBI kung bakit walang opisyal ng BI ang kinasuhan tungkol sa pagkakasangkot nila sa korapsyon.

Idiniin ng NBI na hindi pa sila lusot dahil sasampahan pa rin sila kapag natapos ang panibagong imbestigasyon.

Kamakalawa, nadiskubre ng pamunuan mismo ng NBI na ‘ibinenta’ pala ang mga kaso hanggang sa P100,000.

Batay sa naibalita sa media, naaresto ang magkapatid na sina NBI legal assistance chief Joshua Paul Chua Capiral at BI employee Christopher John Chua Capiral sa loob ng tanggapan ng una.

Kinasuhan ng robbery-extortion sa Department of Justice (DOJ) ang dalawa dahil sa paglabag sa Artikulo 294 ng Revised Penal Code (RPC), katiwalian at korapsyon dahil naman sa paglabag umano sa Republic Act 3019, o ang “Anti-Graft and Corrupt Practices Act.”

Sinampahan din ang magkapatid na Chua ng paglabag sa Executive Order 608 s. 2007, o “Establishing A National Security Clearance System for Government Personnel with Access To Classified Matters” at Republic Act 6713, o “Code of Conduct and Ethical Standard for Public Official and Employees.” (NELSON S. BADILLA)

74

Related posts

Leave a Comment