BICAM REPORT SA ALS, APRUBADO SA SENADO

IKINATUWA ni Senador Win Gatchalian ang pagratipika ng Senado sa bicameral conference committee report sa panukalang batas na may layunin na paigtingin ang pagpapatupad ng Alternative Learning System (ALS).

Sa pahayag, sinabi ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, isang malaking hakbang ang ratipikasyon ng bicam report upang lalo pang maabot ang milyun-milyong Pilipinong hindi nakapagtapos ng high school, kabilang ang mga ‘out-of-school children in special cases’.

Ang mga ‘out-of-school children in special cases’ ay mga batang nasa tamang gulang para makapag-aral ngunit hindi makapasok sa mga paaralan dahil sa mga sagabal na dulot ng ekonomiya, kultura, at iba pang mga kadahilanan.

Kabilang dito ang mga mag-aaral na may kapansanan, Indigenous Peoples, mga tinaguriang ‘children in conflict with the law,’ at iba pang kabilang sa tinatawag na marginalized sectors.

“Kung ihahambing sa pormal na sistema ng edukasyon na mayroong nakatakdang oras ng pagtuturo ang mga guro, sa ALS, mayroong tinatawag na ALS Teachers, Community ALS Implementors, at Learning Facilitators na nagtutungo sa mga komunidad para magturo lalo na sa mga nakatira sa malalayong lugar, conflict-affected communities, at mga komunidad na nasa emergency situations.

Layon ng panukalang batas na magtatag ng sariling ALS Community Learning Centers o ALS CLCs ang bawat lungsod at munisipalidad sa bansa,” ayon sa mambabatas.

Mahalaga aniya ang papel ng ALS sa pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng COVID-19 pandemic.

Mabibigyan nito ng pangalawang pagkakataon na ipagpatuloy ang pag-aaral ng mga bata at matatanda na huminto sa pag-aaral.

Lumalabas sa isang pag-aaral ng World Bank na dalawampu’t apat (24) na milyong Pilipino na may edad na labing-lima (15) pataas ang hindi nakapagtapos ng high school, habang mahigit dalawang (2.4) milyong mga batang may edad na lima (5) hanggang labing-apat (14) ang hindi nag-aaral.

Ayon naman sa datos ng DepEd noong Setyembre 28, halos apat na raang libong (393,163) mag-aaral ang nag-enroll sa ALS, mahigit kalahati lamang ng mahigit pitong daang libong (738,929) nagpatala noong nakaraang taon. (ESTONG REYES)

119

Related posts

Leave a Comment