PAGKAUBOS NG SUPLAY NG MALAMPAYA IIMBESTIGAHAN

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senador Sherwin Gatchalian ang nakatakdang pagtatapos ng Service Contract (SC) 38 ng operasyon ng Malampaya sa 2024.

Sa nasabing kontrata nakapaloob ang Malampaya Deep Water Gas-To-Power Project, at magiging epekto nito sa seguridad ng suplay ng enerhiya sa bansa.

Kasama ni Gatchalian sina Senate President Vicente C. Sotto III at Senador Panfilo Lacson na naghain ng Senate Resolution No. 533 na naglalayong pag-aralan kung ano ang nakalatag na plano ng gobyerno kaugnay dito, lalo na sa nakaambang pagkaubos ng suplay ng natural gas mula sa Malampaya gas field.

Sinasabing mayaman sa langis at natural gas ang mga kalapit na lugar ng Malampaya kaya mas mainam na magalugad na hangga’t maaga ang mga posibleng mapagkukunan ng suplay sakaling maubos na ang galing sa Malampaya.

Ayon pa sa senador, mahalaga ring masiyasat ang napipintong pagbenta ng 45 porsyentong pag-aari ng Shell Exploration B.V. (SPEX) sa Malampaya lalo na’t SPEX ang operator ng naturang gas field.

“Isinasaalang-alang natin dito ang pangkalahatang seguridad ng suplay ng enerhiya ng bansa. Kinakailangang siguruhin natin na kung sino man ang papalit para punan ang pag-aari ng Shell ay dapat may teknikal na kapabilidad sa pagpapatakbo ng Malampaya. Kailangang patunayan nila na may kakayahan din sila hindi lang sa pag-operate ng mismong pasilidad kundi pati sa exploration para sa mga bagong mapagkukunan ng suplay na gagamitin natin sa mga susunod na taon,” paliwanag ni Gatchalian.

Ang Malampaya ang una at tanging pinagkukunan ng bansa ng natural gas na nagsusuplay ng 29.3 porsyento sa buong Luzon o 21.08 porsyento ng pangangailangan ng buong bansa.

Nakapagtala rin ito ng kabuuang kita para sa gobyerno na umaabot sa P261 bilyon, mula January 2002 hanggang December 31, 2019. (NOEL ABUEL)

208

Related posts

Leave a Comment