INAPRUBAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at kanyang gabinete ang karagdagang pondo para sa pagpaparehistro ng 20 milyong mamamayang Pilipino sa national ID system sa susunod na taon.
Nagpulong ang Duterte Cabinet, nitong Lunes at inaprubahan ang P3.52-billion additional budget para sa 2021 para irehistro ang mahigit 20 milyong indibidwal bukod sa 50 milyong target sa Philippine Identification System (PhilSys).
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, nilagdaan ni Pangulong Duterte noong 2018 para maging ganap na batas ang PhilSys Act na ang mandato sa pamahalaan ay lumikha ng single official identification card para sa lahat ng mga mamamayang Pilipino at foreign residents na magsisilbi bilang de facto national identification number.
o0o
WALA NANG DELAY
SA COVID TEST RESULT SA OFWs
WALA nang dahilan para maghintay pa ng ilang araw ang mga overseas Filipino worker na magbabalik bansa ngayong Kapaskuhan para sa resulta ng kanilang swab test.
Tiniyak ni Presidential spokesperson Harry Roque na mabilis na ngayon ang pagpoproseso sa paghihintay ng RT- PCR test hindi kagaya sa mga nagdaan.
Sa katunayan, sa loob ng 24 hanggang 48 oras ay malalaman na ng mga magbabalik-bayang OFW ang resulta ng kanilang swab test.
Dahil dito ay mas magiging maikli ang gagawing paghihintay ng mga OFW at agad na makababalik sa kani- kanilang pamilya sakali’t negatibo ang resulta.
“Hindi naman po nagbabago iyan, ganoon pa rin po. Pagdating po ng airport, sila po ay isa-swab at sila po ay magkakaroon ng quarantine period habang inaantay lang din ang resulta ng swab,” ani Sec. Roque.
Sa kabilang dako, muli namang binanggit ni Sec. Roque na walang dapat bayaran ang mga documented OFW para sa kanilang covid test dahil ito’y babalikatin ng OWWA. (CHRISTIAN DALE)
