NAKA-ALERTO ang National Disaster Risk Reduction Management Council bunsod ng nangyaring magnitude 6.2 earthquake nitong Miyerkoles ng umaga.
Ayon sa ulat ng PHILVOCS, bandang alas-7:30 ng umaga, niyanig ng magnitude 6.2 na lindol ang lalawigan ng Sarangani.
“So far po, ongoing assessment pa sa affected areas, wala pa pong reported damages,” ayon sa inisyal na pahayag ni Mark Shean Timbal ng NDRRMC public information bureau.
Sinuspinde ng General Santos CDRRMO ang pasok sa lahat ng pasilidad ng gobyerno sa General Santos City kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Alabel, Sarangani.
Ito ay para maisailalim sa inspeksyon ang mga pasilidad ng gobyerno kasunod ng malakas na lindol. Bubusisiin ang mga gusali ng gobyerno upang matiyak na ligtas gamitin ang mga ito.
Ayon sa Phivolcs, maaaring magdulot ng pinsala at aftershocks ang malakas na pagyanig.
Nagsasagawa na rin ng assessment ang Department of Social Welfare and Development Field Office XII (DSWD FO XII) matapos ang pagyanig.
Ayon kay DSWD regional director Cezario Joel Espejo, hinihintay na lang ng ahensya ang mga ulat mula sa field at local government units para sa augmentation support requests.
“We are on standby and ready to assist ang augment resources for affected Local Government Units,” pahayag ni Espejo.
Sinabi ng Phivolc, naramdaman ang pagyanig sa 11 kilometers northeast ng Alabel dakong alas-7:22 ng umaga, may 16 kilometers ang lalim ng pagyanig at tectonic ang origin. (JESSE KABEL)
